Ni: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, June 13 (PIA) – Muling umapela si Bureau of Fire Protection (BFP) Sorsogon City Fire Marshal Renato Marcial sa lahat ng mga operators ng mga paupahang bahay sa lungsod na kumpletuhin na sa lalong madaling panahon ang mga fire safety standards na itinalaga ng BFP upang maiwasan ang mga insidenteng may kaugnayan sa sunog.
Sa ulat na ipinalabas ng BFP Sorsogon City, walumpu’t isang (81) mga boarding houses na ang nainspeksyon ng BFP bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase ngayong taon at sa kabuuang bilang na naitala, siyam (9) pa lamang dito ang nakapag-renew ng kanilang permit habang ang iba pa ay patuloy sa pagtanggap ng mga nangungupahan na tanging barangay permit lamang ang hawak subalit walang Fire Safety Inspection Certificate mula sa BFP.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Marcial ang mga mag-aaral at iba pang mga nangungupahan na piliing mabuti ang mga boarding houses na may Fire Safety Inspection Certificate at maging pamilyar sa lugar upang malaman ang maari nilang daanan sakaling magkaroon ng sunog at iba pang kaugnay na mga emerhensiya.
Dagdag pa ni Marcial na marami ding mga boarding houses ang nadiskubre nilang lumalabag pa rin sa probisyon ng Republic Act 9514 o ang Fire Code of the Philippines 2008 kung saan kulang o wala ang mga ito ng fire extinguisher, alarm system, emergency lights at mga lugar labasan o aternative exit routes.
Samantala, positibo pa rin si Marcial na makikiisa sa kanilang kampanya hindi lamang ang may-ari ng mga paupahang bahay sa lungsod kundi maging ang mga opisyal ng barangay. (MG Corral, BFP/PIA Sorsogon)
Merong po bang record(Name of owner, address, rates) ang PIA-Sor office ng 81 boarding houses na nabanggit sa ulat na eto? Salamat po!
ReplyDelete