Thursday, June 9, 2011

DRRM Team ng DPWH 2nd District Engineering Office aktibo sa tuwing may kalamidad


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, June 9 (PIA) – Tiniyak ni Department of Public Works and Highways (DPWH) 2nd District Engineer Juanito R. Alamar na aktibo ang kanilang Disaster Risk Reduction Management Team (DRRMT) sa tuwing may banta ng kalamidad sa kanilang nasasakupan.

Ayon kay Alamar, ang aktibasyon ng kanilang DRRMT ay bilang tugon ng kanilang tanggapan sa bawat banta ng kalamidad na maaaring tumama sa lalawigan ng Sorsogon at magdadala ng perwisyo hindi lamang sa buhay at ari-arian ng mga Sorsoganon, kundi maging sa mga pampublikong istruktura at imprastruktura, lalo na sa mga lugar na sakop ng Sorsogon Second District Engineering Office.

Ibinigay na halimbawa ni Alamar ang agarang pagtipon niya sa mga kasapi ng DPWH-S2DEO DRRMT nitong nakaraang bagyong Chedeng kundi saan itinaas ang signal no. 2 sa Sorsogon.

Aniya, bago pa man itinaas ang typhoon signal ay nagpatawag na siya ng emergency meeting at nagbigay ng mga kaukulang kautusan sa DRRM Team lalo na upang alamin ang kalagayan ng mga kagamitan at behikulong kakailanganin sakaling magkaroon ng mga emergencies.

Dagdag pa ni Alamar na agaran din silang nagsumite ng Contingency Plan at mga situational reports sa DPWH regional office V, at sa Regional at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council.

Handa rin diumano ang mga alternatibong ruta at kaukulang mga mapa na maaaring kailanganin ng kanilang mga tauhan at skeletal workers sakaling tumama at magdala ng perwisyo ang anumang kalamidad sa sakop nilang lugar. (PIA Sorsogon)







No comments:

Post a Comment