Sorsogon City, June 8 (PIA) – Maliban sa pagsangguni muna sa Land Transportation Franchise and Regulatory Board (LTFRB) ay kailangan pang busisiin sa antas ng Lokal na Pamahalaan ang Resolution No. 206-03 na ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan ng Sorsogon noong Disyembre 8, 2003.
Ang nabanggit na panukala ay nag-uutos sa lahat ng mga kumpanya ng bus at anumang uri ng pampubliko o pribadong sasakyan ng pansamantalang pagtigil sa kanilang operasyon o pagbyahe mula sa dako ng kanilang pinagmulan patungong Visayas o Mindanao sa pamamagitan ng daan papuntang Matnog, Sorsogon at yaong naghahatid ng mga pasahero sa mga bayan ng Bulan o Pilar, Sorsogon na patungong lalawigan ng Masbate kung nakataas na sa Signal No. 1 ang bagyo.
Ito ang napag-alaman mula sa ginanap na consultation meeting sa tanggapan ni Sorsogon Police Provincial Office Provincial Director PSSupt Heriberto Olitoquit noong Lunes, June 6, matapos magsadya ni Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office OIC Head Jose Lopez upang konsultahin ang PNP hinggil sa usapin ng mahabang panahong pagtulog diumano ng nasabing kautusan.
Matatandaang una nang naisabatas ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Sorsogon ang naturang panukala sa pamamagitan ng Resolution Number noong Disyembre 7, 1998 subalit hindi nito nagawang pigilan ang mga kompanya ng bus na magbyahe kung kaya’t kinakailangang magsagawa pa umano ng mas epektibong kautusan.
Nais tiyakin ni Lopez kung kasama ito sa mga dapat tuparin ng mga Public Utility Vehicles (PUV) sa pagkuha ng kanilang prangkisa lalo pa’t nagiging mabigat na pasanin ng mga LGUs ang pagpapakain sa mga stranded na pasahero sa mga pantalan lalo na sa bayan ng Pilar, Bulan at Matnog sa tuwing may bagyo.
Kaugnay nito, inirekomenda ni PD Olitoquit ang pagsusog sa Ordinance Number 01-03 sa pamamagitan ng pag-convene ng mga kasapi ng PDRRMC Technical Working Group at pagtalakay ng nasabing usapin sa SP.
Subalit mas gugustuhin umano ni Lopez na dalhin ang usapin sa Legislative Body upang makabuo ng isang bagong kautusang mayroong ngipin bukod pa sa nakabinbing panukala ni Board Member Arnulfo Perete kung saan ipapaloob ng LTFRB ang atas sa pagbigay ng mga prangkisa ang responsibilidad ng mga kompanya sa mga pasahero nito sa tuwing nakataas sa Signal No. 1 ang bagyo.
Kasunod nito, nagbigay atas si Olitoquit sa kanyang tauhan na suriing mabuti ang usapin at pag-aralan ang panukala para sa posibleng pagpataw ng kaparusahan sa mga lalabag nito.
Lumilitaw na suliranin ang posibleng pagtanggi ng mga tsuper na magbayad ng multa, bagama’t wala sa panig ng PNP na hulihin o antalahin ang byahe nito.
Nasa panig umano ng Land Transportation Office (LTO) ang pagkumpiska sa lisensya at pagsamsam sa sasakyan ng ng mga tagalabag habang nasa LTFRB naman ang pagwawalang-bisa sa prangkisa ng mga ito. (Von Labalan/PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment