Thursday, June 30, 2011

Layunin ng Philhealth Sabado II napagtagumpayang maipaabot sa publiko

Photo by: IAGuhit
Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, June 30 (PIA) – Tiniyak ni Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth) Sorsogon Member Services Officer Marian Garcia na nakamit nila ang layunin ng Philhealth na maipaabot sa publiko lalo sa mga kasapi nito ang mga mahahalagang impormasyon at kaukulang paglilinaw ukol sa Philhealth at benepisyong ibinibigay nito.

Ayon sa kanya, mass registration ang ginawa nila noong Oktubre noong nakaraang taon, subalit sa Philhealth Sabado II noong June 25, 2011, ay mas tinutukan nila ang Information, Education at Advocacy component ng programa dahil halos karamihan sa mga target ay nakapagparehistro na, at nais nila diumanong malinawan pa ng mga kasapi ang mga benepisyong dapat nilang makuha ayon sa ibinibigay ng Philhealth.

Pinawi din niya ang ilang mga agam-agam ukol sa pagpili ng mga benepisyaryo sa ilalim ng sponsored program ng Philhealth kung saan nilinaw nya na ito ay base sa isinagawang survey ng National Household Targeting System (NHTS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Samantala, inihayag din ni Garcia na aabot sa walong-daang mga bagong kasapi ang nagpatala sa buong lalawigan ng Sorsogon sa isinagawang Philhealth Sabado II at nasa 58,413 na mga ID na rin ang naproseso nila mula 2010, hindi kasama sa bilang na ito ang mga dependent-beneficiaries ng Philhealth members na makakatanggap din ng de-kalidad na pangkalusugang serbisyong ibinibigay ng ahensya.

Patuloy din diumano ang gagawin nilang pagpoproseso sa mga dokumento ng mga nagnanais pang magparehistro bilang Philhealth members.

Nanawagan din si Garcia sa mga nagparehistro sa Philhealth na lahat ng mga nabigyan ng ID na may problema sa pangalan ay agad nang pumunta sa kanilang tanggapan upang maiwasto na ang mga pagkakamali at hindi magka-aberya sa pagkuha ng Philhealth benefits.

Dagdag pa ni Garcia na sa ngayon ay naipamahagi na nila ang mga Philhealth ID sa Sorsogon City at Castilla habang naibigay na rin sa mga Local Government Unit (LGU) ng Magallanes ang 3,649 na Philhealth ID at 3,700 na ID naman sa Gubat upang maipamahagi sa kani-kanilang mga barangay. Sinabi din ni Garcia na umaasa silang maibibigay na ang lahat ng mga ID ng mga nagparehistro noong October 2010 sa natitira pang mga bayan sa lalawigan ngayong Hulyo, 2011.

Umaasa din ang Philhealth Sorsogon na hindi maglalaon ay mapupunuan na ang target na universal Philhealth coverage na isa sa adyendang pangkalusugan ni Pangulong Benigno Aquino III. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment