Thursday, June 30, 2011

Quality Management System susi sa tagumpay ng DTI Bicol

Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, June 29 (PIA) – De-kalidad na sistema sa pamamahala at pagbibigay serbisyo ang pinanghahawakang susi ng Department of Trade and Industry (DTI) Bicol sa natatamo nilang tagumpay ngayon.

Ayon kay DTI Bicol Regional Director Engr. Jocelyn Blanco, nais nilang maipaabot sa mga mamamayan na ang pagsisikap ng DTI Bicol sa tulong na rin ng DTI sa mga lalawigan na mabigyan ng oportunidad at inspirasyon ang bawat indibidwal o grupo na makapagsimula ng negosyo ay isa sa mga adhikain ng ahensya upang magkaroon ng sustenableng kabuhayan ang bawat pamilyang Bikolano.

Binigyang-diin din niya hindi tumitigil ang kanilang ahensya sa pag-iisip ng mga pagbabago, mas mahusay pang mga pamamaraan at mga aktibidad upang madala sa mga kunsumidor at mga kliyente nila ang serbisyong nauukol para sa mga ito.

Isang patunay sa hindi matatawarang pagsisikap ng DTI Bicol ang pagiging ISO certified nito sa loob ng tatlong taon na iginawad ng Certification International Philippines (CIP) noong Pebrero ngayong taon.

Ayon kay CIP Managing Director Renato V. Navarette, matagumpay na nagawa ng DTI Bicol ang isang sistema ng pamamahala o Management System na sumusunod sa rekisitos na itinakda ng ISO 9001:2008, isang quality management system international standard na ginagamit ngayon ng hindi bababa sa 150 bansa sa buong mundo.

Binigyang komendasyon din ni Navarette ang pagiging kampeon ng DTI Bicol sa pagkakaroon ng napakaraming mga customer sa buong rehiyon at mga stakeholders na kinabibilangan ng mga Small and Medium Enterprises (SMEs), kunsumidor, iba’t-ibang mga ahensyang pampamahalaan man at pampribado, at maging ang maayos na pagbibigay serbisyo at organisadong pagsubaybay sa pagpapatupad ng mga batas na nagbibigay proteksyon sa mga kliyente nito at kunsumidor.

Dagdag din ni Navarette na corporate entity ang ISO kung kaya’t ipapatupad din diumano ng DTI ang corporate governance. (PIA Sorsogon)



No comments:

Post a Comment