Ni: Francisco B. Tumalad, Jr.
Sorsogon City, July 22 (PIA) – Suportado ng pamahalaang lungsod ng Sorsogon ang mga aktibidad at programang higit pang nagsusulong at nagpapaunlad sa kakayahan ng mga taong may kapansanan o Persons With Disabilities (PWDs).
Ayon naman kay City Social Worker Ericka Dig, sa pagdiriwang ng National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week ngayong linggo ay matagumpay na naisagawa ang mga aktibidad kung saan muling naiparamdam sa mg PWDs ang ginagawang pagpapahalaga ng pamahalaan para sa kanila.
Isang misa ang ginanap noong Martes bilang panimulang aktibidad para sa NDPR Week celebration habang nagsagawa naman kahapon ng radio hopping bilang bahagi ng kampanya ng city government na maipaabot sa publiko ang tamang impormasyong dapat malaman ng mga ito lalo na pagdating sa kanilang mga karapatan at pribilehiyo.
Aktibo din ang naging partisipasyon kahapon ng mga Special Education (SPED) pupils ng Sorsogon east Central School sa ginawang poster making at drawing contest.
Namahagi din ng tig-iisang libong piso financial assistance ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO) para sa pang-araw-araw na gastusin sa transportasyon ng mga SPED pupils.
Samantala, patuloy na hinihikayat ng CSWDO ang mga magulang o kamag-anak ng mga batang may kapansanan na bumisita sa Special Education School ng lungsod at i-enrol ang kanilang mga anak upang matamasa ng mga batang may espesyal na pangangailangan ang edukasyong natatamasa ng mga ordinaryong bata. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment