Ni: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, July 25 (PIA) – Simula pa kaninang umaga ay nakatutok na ang mga Sorsoganon kaugnay ng mga kaganapan sa gagawing State of the Nation Address (SONA) ni Pangunlong Benigno Aquino III, alas tres y medya ng hapon mamaya sa Batasan Complex sa Quezon City.
Kahit pa nga hati ang paniniwala ng ilang mga Sorsoganon sa sasabihin ng Pangulo, mas mainam pa rin diumanong marinig nila kung ano man ang kasalukuyang kalagayan ng bansa at kung ano ang muling magiging pangako ng Pangulo.
Aminado ang ilan sa mga Sorsoganon lalo na ang mga nakapakinabang sa Conditional Cash Transfer, Pantawid Pasada at Health Insurance program ng pamahalaan na nararamdaman nila ang pagsisikap ng pamahalaan na matulungan ang mga maralitang Pilipino subalit mas hangad pa rin nila diumano na magkaroon ng permanenteng trabaho na may kaukulang pasweldo upang magkaroon ng maayos na pamumuhay.
Positibo pa rin ang nakakaraming mga Sorsoganon na sa kabila ng mga naging kakulangan ng administrasyon na mapunuan ang lahat ng mga hinaing ng mamamayang Pilipino sa loob ng unang taon ng panunungkulan ni Pangulong Aquino ay matutugunan pa rin ito bago matapos ang kanyang termino bilang pangulo sa 2016.
Samantala, sabay sa gagawing State of the Nation Address ng Pangulong Aquino mamayang hapon ay magsasagawa rin ng SONA ang mga magsasaka at mga militanteng grupo sa Sorsogon. Isang kilos protesta din ang ikinasa ng grupong Magbubukid ng Pilipinas upang kundenahin ang kawalang aksyon diumano ng administrayon na sagutan ang kanilang mga hinaing tulad ng reporma sa lupa, pagpapababa ng halaga ng mga pangunahing bilihin at pagtatas ng sahod ng mga manggagawa.
Sigaw din ng mga ito ang pagbasura sa oil deregulation law, pagbawas ng Value Added Tax (VAT) sa langis, hustisya sa mga biktima ng extra judicial killings at pagsusulong ng pambansang industriyalisasyon at genuine agrarian reform bill.
Mahigpit naman ang seguridad na ipinatutupad ng Philippine National Police Sorsogon upang mapanitili ang kaayusan at kapayapaan sa komunidad sa kabila ng mga kaganapan ngayong araw.
Nakapwesto rin sa Capitol Compound simula pa kahapon ang mga tauhan ng Philippine Army na nakabase sa Castilla at Juban, Sorsogon bilang pakikiisa sa gagawing SONA ng Pangulo ngayong araw. Hindi rin umano hadlang ang kanilang presensya sa mga gagawing legal na kilos protesta ng mga militanteng grupo ngayon sapagkat respetado nila ang karapatan nitong mailabas ang kanilang mga saloobin at hinaing sa pamahalaan. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment