Ni: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, July 11 (PIA) – Masigasig ngayon ang Pamahalaang Panlungsod ng Sorsogon na maisulong ang epektibong pamamaraan at mamuhunan sa ngalan ng Climate Change Mitigation and Adaptation (CCMA).
Ayon kay Sorsogon City Mayor Leovic Dioneda, ang pamumuhunan sa pagbawas sa epekto at pag-akma sa pagbabago ng panahon ay pamumuhunan na rin para sa darating na hinaharap.
Aniya, sa tulong ng United Nations Habitat Philippines (UNHP), natuloy nila ang Sorsogon Pilot Elementary School (SPES) upang gawing SMART school o yaong tinagurian nilang School Mitigating, Adapting Risk and Threat school at permanent evacuation center.
Ayon kay Dioneda, matagal nang ginagawang evacuation center ang SPES sa mga panahong may kalamidad kung kaya’t marapat lamang na maging ligtas ito at kayang labanan ang epekto ng iba’t-ibang uri ng kalamidad.
Ang pagtatayo ng SMART schools evacuation center ay isa sa mga pangunahing mekanismo ng CCMA sa ilalim ng programa ng UNHP at isa ang Sorsogon sa nabibigyan ng ganitong mga interbensyon dahilan sa kabilang ito sa mga lugar na lantad sa panganib dala ng pagbabago ng panahon o climate change.
Samantala, matatandaang sa naging paglulunsad ng Pilipinas Natin, isang programa ng pamahalaang nasyunal, isa sa limang tinukoy na mahalagang pagsusukatan ng resulta ng pagpupunyagi ng kasalukuyang administrasyon ay ang integridad ng kalikasan at ang pagbawas sa epekto at pag-angkop sa pagbabago ng klima o panahon, at isa ang hakbang na ito ng lungsod ng Sorsogon sa nagbibigay testimonya dito. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment