Tuesday, July 12, 2011

Pagkilala sa kontribusyon ng komunidad tampok sa PCR month celebration ng PNP


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, July 11 (PIA) – Higit pang naging aktibo ang mga kapulisan ngayon dito sa Sorsogon kaugnay ng pagdiriwang ng Police Community Relations (PCR) Month ng Philippine National Police (PNP) ngayong buwan ng Hulyo.

Sa naging pahayag ni PNP Provincial Office PCR Chief PSI Honesto A. Garon, maliban sa pang-araw-araw na aktibidad nila at ordinaryong mandato ng PNP sa pagsugpo sa kriminalidad, mas binibigyan nila ng pagpapahalaga ngayong buwan ang pagpapaigting pa ng kanilang relasyon sa komunidad sapagka’t dito nakasalalay ang tagumpay ng kampanya ng kapulisan at maging ang tagumpay ng PCR month na ipinagdiriwang nila ngayon.

Tampok diumano dito ang lingguhang pagbibigay nila ng mga parangal at pagkilala sa mga kontribusyon ng komunidad bilang katuwang nila sa kanilang crime prevention campaign.

Kabilang sa mga bibigyang-pagkilala simula sa Lunes ang mga government agencies at non-government offices, Barangay, City at Municipal Local Government Units, mga indibidwal at maging ang mga tauhan ng PNP na may malaking naiambag sa peace and order campaign ng PNP.

Dagdag pa ni Garon na ang pangunahing target nila ay hindi lamang nakatuon sa pagresolba sa kriminalidad bagkus ay sa pagsugpo dito, sa pamamagitan ng magandang pakikipag-ugnayan sa komunidad nang sa gayon ay hindi sila magdadalawang-loob na tumulong sa pamamagitan ng pagbigay ng mahahalagang impormasyon.

Patuloy din diumano ang nagsasagawa ng PNP ng mga pulong-pulong sa barangay sa tulong na rin ng mga LGU, NGOs at media kung saan naniniwala silang malaki ang papel na ginagampanan ng mga ito sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto ng PNP.

Nanawagan din siya sa mga Sorsoganon na huwag mag-aatubiling lumapit at makipag-ugnayan sa sa kanila lalo na sa mga isyu at usaping may kinalaman sa kapayapaan at kaayusan ng komunidad. (PIA Sorsogon)



No comments:

Post a Comment