Wednesday, July 20, 2011

Malaking bawas sa IRA sakit ng ulo ngayon ng City government

Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, July 20 (PIA) – Agad na nagpatawag ng pulong si Sorsogon City Mayor Leovic Dioneda sa mga hepe ng iba’t-ibang departamento ng city government upang pag-usapan ang mga mahahalagang hakbang na dapat gawin matapos na ipalabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang desisyon nitong babaan ang natatanggap na Internal Revenue Allotment ng mga Local Government Units sa bansa.

Ayon kay Dioneda, sakit sa ulo nila ngayon ang halos ay P30 milyong mawawalang pondo sa lungsod kaugnay ng direktiba ng DBM kung kaya’t minabuti niyang ngayon pa lamang ay gawan na nila ng kaukulang istratehiya upang hindi maisakripisyo ang mga programa at serbisyo ng pamahalaang panlungsod para sa mga nasasakupan nito.

Kabilang sa mga suhestyong lumabas sa pagpupulong ay ang pagpapaigting pa ng koleksyon sa buwis ng lungsod, taasan ang mga regulatory fees, gawing centralized ang procurement system at mahigpit na ipatupad ang pagtitipid sa enerhiya.

Dapat din aniyang maisapubliko na sa lalong madaling panahon ang nirebisang City Revenue Code na ipinasa ng Sangguniang Panlungsod kung saan may mga pagbabago sa koleksyon ng real property tax na tiyak na makakatulong sa operasyon at pagpapatupad ng mga programa at proyekto sa lungsod.

Magiging malaking tulong din aniya ang paglalagay nila ng abot-kayang taripa sa mga birthing facilities sa lungsod sapagkat tiyak na may papasok na kaban ng lungsod na maaring magamit bilang pambayad sa mga manggagawa at pagmantini ng pasilidad.

Inatasan na rin niya diumano ang Local Finance Committee at mga department heads na gumawa rin ng kanya-kanyang istratehiya upang masolusyunan at hindi gaanong maramdaman ang malaking bawas na ito sa IRA.

Ayon pa sa alkalde, kung hindi ito mapag-aaralang mabuti, tiyak na mababawasan ang mga programang pangkomunidad na maaaring ibigay ng pamahalaang lokal ng Sorsogon City lalo pa’t aminado si Dioneda na nakadepende ang operasyon ng lungsod sa IRA nito. (PIA Sorsogon)



No comments:

Post a Comment