Friday, July 22, 2011

BSP National Jamborette 2011 gagawin sa Sorsogon


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, July 21 (PIA) – Tuloy-tuloy pa rin sa ngayon ang ginagawang ground preparation para sa pagdarausan ng Boy Scout of the Philippines (BSP) National Encampment ngayong taon.

Matatandaang napili ang Brgy. San Isidro, Castilla, Sorsogon upang maging venue ng BSP National Jamborette dahilan sa pagiging istratehiko ng lugar, sa gandang panturismo ng lokasyon at sa malaking potensyal ng lalawigan para magsagawa ng ganitong okasyon.

Ayon kay BSP Sorsogon Council Executive Rene Hayag, matapos mapag-alaman ng Sangguniang Bayan ng Castilla na isa sa kanilang barangay ang napiling lugar, ay agad nitong inaprubahan ang isang resolusyon bilang pagpayag at pagsuporta sa aktibidad na anila’y makakatulong sa pagsusulong ng turismo, popularidad ng Sorsogon at ekonomiya hindi lamang ng bayan ng Castilla kundi maging ng buong lalawigan.

Napakaganda diumano ng lokasyon sapagkat maliban sa lawak ng lugar ay kitang-kita sa magkabilang bahagi ang dalawang aktibong bulkan sa rehiyong Bikol, ang Mt. Mayon at Mt. Bulusan.

Sinabi ni Hayag hindi ito ang unang pagkakataon na nag-host ng boy scout national jamborette ang Sorsogon. Una nang nagkaroon diumano ng encampment sa Brgy. Gabao at Del Rosario sa Bacon District, Sorsogon City at maging sa bayan ng Casiguran noong dekada nubenta.

Sa ngayon ay pinaplantsa pa nila ang mga pinal na detalye upang maging matagumpay ang gagawing aktibidad dito. (PIA Sorsogon)



No comments:

Post a Comment