Ni: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, July 21 (PIA) – Ipinagdiriwang mula Hulyo 17 hanggang Hulyo 23 ang National Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week upang bigyang pagkilala ang mga taong may kapansanan o Persons With Disabilitie (PWDs) bilang kabahagi ng lipunang ating ginagalawan at muling ipaalala sa lahat na may kapansanan man, ay may karapatan din ang mga ito.
Sa programang Talking Points ng Philippine Information Agency Central Office, inihayag ni Rizalino Sanchez, ang hepe ng Information and Communications Division ng National Council on Disability Affairs na may mga pinaiiral na batas sa bansa na nagbibigay importansya sa mga taong may kapansanan.
Ipinaliwanag nito na sa Republic Act 9442 o ang Magna Carta for persons with Disabilities nakasaad ang mga pribeliheyong maaaring matamasa ng mga kapansanan at mga probisyong mangangalaga sa kanila laban sa pangungutya ng publiko, paninirang-puri at diskriminasyon.
Malinaw diumaong nakasaad sa batas ang kaukulang parusa para sa unang pagkakamali ng sinumang irereklamo na lumabag sa RA 9442, indibidwal man o korporasyon. Pagmumultahin din ng hindi bababa sa P50,000 hanggang P100,000 at maaari ding makulong ang sinumang indibidwal na mapapatunayang lumabag sa RA 9442 sa unang pagkakataon ng hindi bababa sa anim na buwan hanggang dalawang taon.
Bilang patunay na pinahahalagahan ng pamahalaan ang mga taong may kapansanan, matatamasa ng mga ito sa ilalim ng RA 9442 ang mga pribelihiyong tulad ng 20 porsyentong diskwento sa lahat ng mga bilihin at serbisyong pampubliko, educational assistance sa lahat ng antas ng edukasyon kasama na ang kursong bokasyunal sa pampubliko man o pampribadong paaralan, paglalagay ng mga express lane para sa kanila lalo na sa mga establisimyentong pangkomersyal at pampamahalaan, pati na rin ang pagkakaroon ng katumbas na insentibo sa mga taong tagapag-alaga at namumuhay kasama ng mga taong may kapansanan.
Samantala, maaari din umanong makatanggap ng kaukulang insentibo ang mga kompanya o korporasyong tumatanggap ng mga manggagawang may kapansanan. Ang mga pribadong kompanya diumano ay makakatanggap ng 25 porsyentong diskwento sa buwis sa pasweldo nito sa manggagawa at hiwalay pang 50 porsyentong diskwento sa ginastos nito upang gawing PWD-friendly ang kanilang pinagtatrabahuhang lugar.
Dagdag pa ni Sanchez na sa loob ng 20 taon, malaki na ang naging pagbabago sa Pilipinas sa usapin ng karapatang pantao ng mga may kapansanan. Positibo din siyang lalo pang mapag-iibayo ang pangangalaga sa mga karapatang ito sa mga susunod pang mga taon. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment