Friday, July 15, 2011

Malinis na tubig sa SNHS pakikinabangan na


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, July 13 (PIA) – Matapos maaprubahan ng local school board ng Sorsogon National High School (SNHS) ang kalahating milyong pisong pondo para sa konstruksyon ng water system sa kanilang paaralan, positibo na ngayon ang mga tauhan at mag-aaral ng SNHS na makakabenipisyo na sila ng malinis na inuming tubig at panggamit sa mga palikuran.

Ang water system ay proyekto ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Sorsogon at mapapakinabangan din ng SNHS batay na rin sa kahilingan ng City Schools Division Office ng Department of Education.

Ayon kay Sorsogon City Mayor Leovic Dioneda, nakalaan na ang pondo at inatasan na rin niya ang City Engineer’s Office na agaran nang simulan ang konstruksyon ng proyekto.

Sinabi ni Dioneda na naging prayoridad nila ang SNHS dahilan sa malaking bilang ng populasyon nito at upang maiwasan din ang pagkalat ng anumang sakit dala ng maruming tubig.

Sa kasalukuyan, mahigit na anim na libong mga mag-aaral ang naka-enrol sa Sorsogon National High School. (BT.com/PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment