Friday, July 15, 2011

Pagpapatala para sa Bulusan Eco-Trail Running Cup simula na sa July 15

Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, July 13 (PIA) – Matapos ipagpaliban nitong mga nakaraang linggo, pinal nang itinakda ng Pamahalaang Bayan ng Bulusan ang pagpapatala ng mga lalahok pra “Daralagan sa Kadlagan” o ang Bulusan Eco-Trail Running Cup 2011 sa Biyernes, ika-15 ng Hulyo, 2011.

Ayon kay AGAP-Bulusan President at Project Manager Philip Bartilet ang aktibidad na gagawin sa ika-28 ng Agosto, 2011 sa Bulusan, Sorsogon ay naisakatuparan sa pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at ng Aggrupation of Advocates for Environmental Protection o AGAP-Bulusan, Inc.

May temang “Walk, Run, Climb: Save the Forests to Save Lives”, layon nitong pukawin ang kamalayan ng mga lalahok sa aktibidad sa natural na ganda ng Bulusan at isulong ang ecological tourism sa naturang bayan.

Kabilang sa mga petsang dapat na tandaan ng mga interesadong lalahok ay ang registration simula sa Biyernes, July 15 hanggang August 20, 2011. Gagawin ang on-site registration sa LGU compound sa August 26-27, 2011.

Alas-singko ng hapon sa August 27 naman nakatakda ang pagbibigay oryentasyon at trail run mechanics, habang sa August 28, 2011, alas-singko ng umaga sisimulan ang opisyal na Eco-Trail Running Event.

Matapos ito ay agad na ring isusunod ang Awarding Ceremony, pamamahagi ng mga sertipiko at libreng regalo at pananghalian na pawing sa LGU compound gaganapin.

Ang mga interesado ay maaaring makipag-ugnayan sa mga sumusunod na email address o hotline: jeremydawal@yahoo.com, vbgallanosa@yahoo.com at phil_bartilet@yahoo.com o sa +63.915.369.20.81 para sa Globe, +63.921.645.67.91 para sa SMART at +63.922.311.82.20 para sa Sun Cellular.

Bukas diumano ang Bulusan Eco-Trail Running Cup 2011 sa mga Pilipino at banyagang interesado sa pagtakbo at pag-akyat sa bundok at sa mga nagnanais na tumulong upang mapanatili ang ganda at mabigyang proteksyon ang Bulusan Volcano Natural Park. (PIA Sorsogon)






No comments:

Post a Comment