Friday, July 15, 2011

Mga babalang pangkaligtasan ilalagay sa paligid ng Mt. Bulusan


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, July 15 (PIA) – Upang maiiwas ang publiko sa mga panganib dala ng pag-aalburuto ng Bulkang Bulusan, maglalagay ngayong araw ng mga babalang pangkaligtasan ang Office of the Civil Defense (OCD) Bicol sa tulong ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) sa palibot ng Mt. Bulusan partikular sa mga lugar ng Casiguran at Irosin.

Ayon kay Sorsogon Provincial Disaster Risk Management Office (SPDRMO) OIC Head Jose Lopez, ang hakbang ay bahagi ng ipinatutupad na paraan ng mga awtoridad pangkalamidad upang patuloy na makaiwas sa panganib ang lahat sa tuwing nag-aalburuto ang Bulkang Bulusan.

Mamamahagi din ng mga dust masks lalo na sa mga residenteng palagian nang naapektuhan ng aktibong bulkan.

Ang mga aktibidad ay bilang pakikiisa na rin sa pagdiriwang ng National Disaster Consciousness Month ngayong buwan ng Hulyo. (VL/PIA Sorsogon)




No comments:

Post a Comment