Friday, July 15, 2011

Walong barangay sa Sorsogon City, agarang pinagsusumite ng CBDRM Plan

Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, July 15 (PIA) – Matapos dumaan sa Community-Based Disaster Risk Management (CBDRM) Trainings ang mga barangay sa lungsod ng Sorsogon partikular yaong mga lantad sa panganib, pinagsusumite na ngayon ni City Disaster Risk Reduction and Management Office Head Joe Jadie ang walong barangay sa kanyang nasasakupan ng kanilang Community-Based Disaster Risk Management Plan (CBDRMP) upang agad na itong mailatag sa kani-kanilang mga komunidad at tuloy makapaghanda bago pa man dumating ang mga di inaasahang kalamidad.

Kabilang sa mga natukoy na barangay na malaki ang kalantaran sa panganib tulad ng bagyo, ‘storm surge’, baha at pagguho ng lupa ay ang Balogo, Sirangan, Bitano, Talisay, Sampaloc, Piot, Cabarbuhan at Gimaloto.

Matatandaang sa ginawang assessment nitong nakaraang Miyerkules sa Sorsogon Provincial Disaster Risk Management Office (SPDRMO) natukoy kung alin sa mga nabanggit na barangay ang nakapaghanda na at yaong wala pa ring nabubuong plano laban sa mga kalamidad.

Sa ilalim ng bagong batas na Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010 (R.A. 10121), mas binibigyang halaga ang “preparedness” at “mitigation” bago pa man maganap ang mga sakuna, kung saan pinapalakas nito ang kapasidad ng mga komunidad sa mga barangay na paghandaan at bawasan ang epekto sa kanila ng mga di maiiwasang kalamidad.

Sa Hulyo 29, 2011 nakatakdang isumite ng walong barangay kay Jadie ang kani-kanilang CBDRMP at pormal na ipiprisinta ito sa barangay assembly. (VLabalan/PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment