Ni: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, July 16 (PIA) – Patuloy na hinihikayat ng Department of Trade and Industry at ng tanggapan ni Sorsogon 2nd District Congressman Deogracias Ramos, Jr. ang publiko na magnegosyo sa halip na mamasukan upang magkaroon ng mapagkakakitaan.
Ito ay bunsod pa rin ng ginagawang pagpapaigting pa ng Micro, Small and Medium Enterprise (MSME) Development hindi lamang dito sa lalawigan kundi maging sa buong bansa.
Ayon kay DTI Provincial Information Officer Senen Malaya, dibdiban ang pagsuporta ng pamahalaan sa mga maliliit na negosyo sapagkat kung mapapalago ang mga negosyong maliliit, lalaki din ang oportunidad ng trabaho sa bansa.
Matatandaang noong huling buwan ng Hunyo ay isinagawa sa lalawigan ang Work on Wheels-MSME Caravan kung saan nagbigay ito ng libreng seminar upang turuan ang mga mamamayan lalo na sa mga kanayunan kung paano magnegosyo at kung paanong mapapalago ito.
Maging si Congressman Ramos ay masigasig ding sinusuportahan ang mga MSME sa lalawigan partikular sa ikalawang distrito kung kaya’t nagpalabas din ito ng P1.5 milyong pondo mula sa kanyang congressional fund upang matiyak na mapapasigla at maisusulong ang pagpapalago ng iba’t-ibang mga produksyon sa Sorsogon.
Ayon pa kay Malaya, malaki ang potensyal ng food processing, handicraft at furniture industry sa lalawigan, kinakailangan lamang diumano ng lakas ng loob ng negosyante at puhunan upang ganap na mapalago ang yamang makukuha mula dito. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment