Ni: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, July 16 (PIA) – Inilatag ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (SPDRMO) ang mga aktibidad na ginawa nito kaugnay ng pagdiriwang ng Disaster Consciousness Month ngayong buwan ng Hulyo.
Sa Kapitolyo Week-end Report ng provincial government, inisa-isa ni SPDRMO OIC Head Jose Lopez ang mga isinagawa nilang aktibidad kung saan nagkaroon ng banal na misa noong unang araw ng Hulyo bilang panimulang aktibidad.
Nakibahagi din diumano ang SPDRMO sa dalawang araw na School Mitigating, Adapting Risk and Threat (SMART) School Design at Camp Management and Coordination sa pakikipagtulungan ng pamahalaang lungsod ng Sorsogon, kung saan napili ang Balogo bilang pilot barangay upang pagtayuan ng permanent evacuation site.
Ayon pa sa kanya, nagsagawa din sila ng talakayan at pagsasanay sa isangdaan dalawampu’t limang (125) elementary school pupils na naging kalahok din sa isinagawang earthquake drill sa tulong ng Search and Rescue Service ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) noong nakaraang linggo, Hulyo 17.
Nagkaroon din ng Informant Interview sa SPDRMO ang World Vision, isang non-government organization na aktibong katuwang din ng PDRRMC, para sa isa pang paparating na programa nito para sa Sorsogon.
Ilan pa sa mga ginawang aktibidad ay ang kalahating araw na assessment para sa walong “disaster prone barangays” ng lungsod upang tukuyin ang kahandaan ng mga ito matapos ang kanilang Community Based Disaster Risk Management Training (CBDRMT); Program Planning bilang panimulang pagsasakatuparan ng pinagtibay na mga programa ng World Food Program para sa lalawigan; at ang pagkakabit ng mga signage o babala sa paligid ng Bulusan Volcano at pamamahagi ng dust masks sa mga apektadong bayan ng pag-aalburuto ng Mt. Bulusan partikular sa Casiguran at Irosin sa pangunguna ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) at Office of Civil Defense (OCD) Bicol, sa pakikipagtulungan sa PDRRMC/SPDRRMO.
Ayon pa kay Lopez, tiniyak din nilang lahat ng mga aktibidad na ginawa nila ay alinsunod sa ipinalabas na kautusan ni OCD V Regional Director at RDRRMC Chairman Bernardo R. Alejandro IV sa lahat ng mga PDRRMC dito sa Rehiyon kung saan dapat na ang mga aktibidad ay may kaugnayan sa pagsasakatuparan ng R.A. 10121, kasalukuyang mga resulta ng Disaster Risk Reduction Management (DRRM), at Climate Change Adaptation (CCA).
Tema ngayong taon sa pagdiriwang ng National Disaster Conscioussness Month ang “Makialam: Sa Pagsugpo ng Panganib, May Maitutulong Ka.”
Samantala, nakatakda namang magsagawa ng seminar ang National Economic Development Authority (NEDA) Bicol tungkol sa paksang “Integration of Disaster Risk Reduction (DRR) and Climate Change Adaptation (CCA)” mula Hulyo 20-22 na dadaluhan ng SPDRMO. (VLabalan/PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment