Ni: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, August 12 (PIA) – Muling nagpaalala ang Bureau of Internal Revenue (BIR) Sorsogon sa publiko na mag-ingat sa iba’t-ibang mga modus operandi na ginagawa ngayon ng mga manloloko.
Ang paalala ay inihayag matapos lumabas sa ilang mga ulat na ginagamit ng ilang mga masasamang elemento ang tanggapan ng BIR upang makapanloko sa kapwa.
Ayon kay BIR Sorsogon Asst. District Revenue Officer Eutiquio Grajo, sakaling may makita o maenkwentro silang indibidwal na pumunta sa kanilang bahay o mga establisimyento at magpanggap na empleyado ng BIR ay mangyaring hingan ito ng ID o pagkakakilanlan at authority to surveillance at agad na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan o sa sinumang awtoridad.
Samantala, upang matiyak ding mula talaga sa BIR ang mga ibinibigay na resibo sa binabayaran serbisyo at binibiling mga bagay ng mga mamimili, dapat diumanong nakalagay sa resibo ang pangalan ng tax payer, tax ID at tax identification number ng mga establisimyento.
Maging value-added tax (VAT) registered o non-VAT registered ang establisimyento, dapat na nakalagay din ang pangalan ng publisher ng resibong ibibigay sa mga mamimili.
Sa pamamagitan diumano ng pagkakaroon ng wastong kamalayan ng publiko ay maiiwasang lumaki pa ang bilang ng mga manloloko at naloloko saan mang lugar. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment