Ni: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, August 12 (PIA) – Magkakaroon ng pirmahan ng Memorandum of Agreement (MOA) bukas sa pagitan ng pamahalaang lungsod ng Sorsogon sa pangunguna ni City Mayor Leovic Dioneda at ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pangunguna naman ni DENR Secretary Ramon Paje.
Ang pirmahan ng MOA ay may kaugnayan sa pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan at ng pamahalaang lungsod ng Sorsogon upang tuluyan nang makapagpatayo ng Material Recovery Facility (MRF) sa lungsod kung saan ilalagay ito sa brgy. Buhatan.
Dadaluhan ang gagawing programa ni Senator Francis ‘Chiz’ Escudero, ng dalawang kongresista ng Sorsogon na sina Cong. Salvador Escudero III at 2nd District Congressman Deogracias Ramos, Jr., Sorsogon Gov. Raul Lee, Environmental Management Bureau Bicol Regional Director Ronando Quelilay at Sorsogon City Environment and Natural Resources Officer Ronando Gerona.
Inimbitahan din ang mga opisyal ng barangay sa lungsod upang makita at higit nilang maintindihan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng MRF. Ang pagkakataong ito ang nakikita ng lokal na pamahalaan na mabisang paraan upang matupad ang matagal na nilang pangarap na makapagtayo ng Material Recovery facility at ma-upgrade ang solid waste management program ng lungsod.
Magbibigay mensahe naman si DENR Regional Director Joselin Marcus Fragada habang ibibigay naman ni France Logena, EMS I ng CENRO ang overview ng solid waste management project ng Sorsogon City.
Samantala, sa naging pahayag ng isang environment specialist ng lungsod sinabi nitong maliban sa tulong na ibibigay ng DENR upang maitayo ang istruktura ng MRF, magbibigay din ito ng shredder at iba pang mga makina at kagamitang makakatulong ng malaki sa solid waste management program ng lungsod.
Sa ngayon ay may segregation building ang lungsod subalit kailangan pa ring magkaroon ng MRF o second level waste segregation management system upang maproseso ng maayos ang mga basura.
Mayroon ding dalawang dumpsite na ginagamit ang lungsod sa kasalukuyan subalit tuluyan na itong maisasara sakaling maging operational na ang MRF ng Sorsogon City. (JTumalad,PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment