Monday, August 22, 2011

Mangrove Planting Activity sa Donsol isasagawa ng iba’t-ibang mga ahensya at organisasyon


Ni: Bennie A. Recebido

Bakawan Babae specie na itatanim sa Donsol.
Lungsod ng Sorsogon, Agosto 22 (PIA) – Bilang bahagi ng pakikiisa sa kampanya ng pamahalaang nasyunal ukol sa pangangalaga sa kalikasan, pangungunahan bukas, Agosto 23, ng 3rd Special Forces Company ng 903rd Infantry Brigade, 9th Infantry Division ng Philippine Army sa pangunguna ni Brigade Commander Col. Felix J. Castro, Jr. katuwang ang Prasirang Donsolanon Abante Biryong Aagapay sa Kauswagan (PADABAKA) at World Wildlife Fund (WWF) ang isang Mangrove Planting Activity,sa bayan ng Donsol, Sorsogon.

Sa impormasyong ipinadala ng 903rd Philippine Army sa Philippine Information Agency (PIA) Sorsogon, aabot sa isanglibong mga puno ng bakawan ang nakatakdang itanim sa kahabaan ng baybayin sa Sitio Magaragad, Brgy. Sibago sa Donsol.

Kasama ng tatlong grupo sa pagsasakatuparan ng aktibidad ang mga kinatawan at tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), PIA, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO), Provincial Tourism Office, pamahalaang bayan ng Donsol, World Vison, Kapisanan ng mga Broadcaster ng Pilipinas (KBP) at Alpha Kappa Rho (AKRHO).

Ayon kay Lt. Col. Lenart R. Lelina, Executive Officer ng 903rd Brigade, bahagi din ang tree planting activity ng kanilang soft engineering measure bilang paghahanda sa anumang panganib na maaaring dalhin ng mga kalamidad tulad ng bagyo, tidal wave, storm surge, at iba pa.

Nais din diumano nilang malinang ang lugar at gawing tourist attraction ang mga naitanim na mga kabakawanan doon. Ito rin diumano ang isa sa kanilang mga ambag sa National Greening program ng pamahalaan.

Bago ang pagtatanim ay magkakaroon muna ng maikling programa kung saan magbibigay ng mensahe ang mga piling hepe ng delegasyon, pledge of commitment at streamer signing, at pagbasbas ng mga pananim.

Isang picnic o boodle fight naman ang nakatakdang gawin matapos ang mangrove planting activity. (PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment