Thursday, August 11, 2011

Mga batang hikahos makakatuntong na rin sa paaralan

Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, August 11 (PIA) – Nakikiisa ang Couples for Christ – Tekton Foundation Inc. (CFC-Tekton) sa hangarin ng pamahalaan sa ilalim ng administrasyong Aquino na matulungan ang mga batang hikahos na mabigyan ng maayos na edukasyon upang mahango sila sa kahirapang kinasasadlakan.

Ayon kay Dr. Edgar Garcia, Answering the Cry of the Poor (ANCOP) Global Marketing Committee Head ng CFC-Tekton, naniniwala silang kailangang mapaghandaan ang kinabukasan ng mga kabataan kung kaya’t dapat nang kumilos ang karamihan upang magkaroon ng positibong pagtugon sa pangangailangan sa edukasyon ng mga kabataang mahihirap subalit may mga natatagong kapasidad.

Kaugnay nito, ilulunsad sa Agosto 21, 2011 ng CFC-Tekton ang ANCOP Global Walk kung saan makikilahok dito ang mga kasapi nito at iba pang mga interesadong Sorsoganon na nais makatulong sa adhikaing ito. Alas-sais ng umaga magsisimula sa Provincial Capitol Grounds, Sorsogon City ang limang kilometrong paglalakad na ito.

Positibo si Garcia na sa pamamagitan nito ay mababawasan ang mga drop-out sa mga paaralan kung saan itinuturong dahilan ang kahirapan.

Nagsagawa na rin sila diumano ng kakulang koordinasyon mula sa mga Local Government Units, mga paaralan at sa Department of Social Welfare and Development upang magabayan ang CFC-Tekton sa pagpili ng mga magiging benepisyaryo ng ANCOP Child Sponsorship Program.

Hinikayat naman ni Herson Binaya ng Singles for Christ ang mga kabataan at iba pang mga Sorsoganon na makilahok at suportahan ang kanilang adhikain at ang mga darating pa nilang aktibidad upang matulungan ang mga Out-of-School Youth ng Sorsogon na makapasok sa mga paaralan at makatapos ng kanilang pag-aaral.

Ang ANCOP ay isa sa mga institusyon ng CFC sa buong mundo na may layuning makatulong sa pagsugpo sa kahirapan sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga programang may kaugnayan sa edukasyon, kalusugan, pangkabuhayan, pabahay at pag-uugali. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment