Thursday, August 11, 2011

Pansit na gawa sa gulaman nagsisimula nang makilala


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, August 11 (PIA) – Nagiging mabili na ngayon sa mga lokal na pamilihan ang pansit na gawa sa gulaman o seaweeds noodles na ginagawa ng mga kasapi ng Gawad Kalinga Tarabang Village Association sa bayan ng Pto. Diaz.

Kaugnay nito, higit pang pinaiigting ngayon ng pamahalaang bayan ng Pto. Diaz ang kanilang seaweeds noodles production na maliban sa nagbibigay ng sustansya at nutrisyon sa mga nakakakain nito ay nakapagbibigay pa ng trabaho sa mga lokal na residente.

Matatandaang mahigpit na sinusuportahan ng iba’t-ibang mga ahensya ng pamahalaan dito ang hakbang na ito ng kung saan ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay nagbigay ng P284,000 para sa mga kagamitang kailangan sa produksyon ng seaweeds habang ang Department of Trade and Industry (DTI) ay nagbigay naman ng tulong teknikal na makakatulong sa paggawa at pagbebenta ng seaweeds noodles.

Maging ang Department of Agriculture Regional Fishery Training Center ay nagbigay suporta din kung saan ito ang naging responsable sa pagtukoy sa mga indigenous resources ng mga lokal na komunidad.

Ayon kay DOLE Provincial Field Officer Imelda Romanillos, bilang isa sa mga instumento ng pamahalaan sa pagtugon sa isyu ng kahirapan sa bansa, pinangungunahan ng DOLE ang pagbibigay tulong pinansyal sa mga local na komunidad at binibigyang oportunidad ang mga ito na gamitin bilang pagkakakitaan ang mga yamang makukuha sa kanilang lokalidad.

Ipinagmamalaki naman ng DTI ang pagkakatuklas ng paggawa ng masustansyang pansit na ito bilang isa sa mga tugon sa suliranin sa malnutrisyon dahilan sa mayaman ito sa iron, calcium at iba pang mga mineral.

Ang nasabing pansit na gawa sa gulaman na ipinamamahagi ngayon hindi lamang sa mga tindahan kundi maging sa mga paaralan ay mabibili sa halagang sampung piso bawat isangdaang gramo.

Ang mga bayan ng Pto. Diaz, Baecelona, Bulusan, Matnog at Sta. Magdalena ang mga pangunahing pinagmumulan ng gulaman sa lalawigan ng Sorsogon. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment