Tuesday, August 9, 2011

OFWs at kaanak nito hinikayat na bisitahin ang PIA OFW Watch Page sa Facebook


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, August 8 (PIA) – Pinatutunayan ng pamahalaan na tapat ito sa pagpapahalaga sa kapakanan at pagtugon sa mga pangangailangan at seguridad ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Isa sa mga hakbang na ginawa ng pamahalaan sa ilalim ng administrasyong Aquino ay ang paglulunsad ng PIA OFW Watch sa facebook sa pamamagitan ng Philippine Information Agency (PIA), ang official communication arm ng pamahalaan. 

Matatandaang sa pakikipagtulungan sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Foreign Affairs (DFA), nabuo at inilunsad noong Abril ngayong taon ang PIA OFW Watch Page sa Facebook upang mabigyang pagkakataon ang mga kapamilya ng mga OFWs na maipaabot sa pamahalaan ang kanilang mga katanungan ukol sa kalagayan ng kanilang mga mahal sa buhay na nagtatrabaho sa ibang bansa at maitaas din ang antas ng kondisyon ng pagtatrabaho ng mga OFWs.

Kaugnay nito, hinikayat ni PIA Sorsogon Information Manager Irma Guhit ang mga kamag-anak ng Overseas Filipino Workers (OFWs) maging mismong ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa na bisitahin ang PIA OFW Watch Page sa Facebook at gamitin ito sa tamang paraan.

Tiniyak ng PIA na makakarating din ang mga katanungan at reklamo sa tamang ahensya na makasasagot sa mga pangailangan ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibayong dagat, lalo’t isa ang Facebook sa mga social networking sites na kinahihiligang bisitahin ngayon ng mga Pilipino upang makipag-ugnayan sa kanilang mga mahal sa buhay dito man sa loob o maging sa labas ng bansa.

Makakatiyak din ng agarang pagsagot mula sa mga kinauukulan sa mga lehitimong katanungang may kaugnayan sa pangangailangan at kalagayan ng mga OFWs.

Ang PIA OFW Watch Page ay magsisilbi ring daan para sa mga ahensya ng pamahalaan na maipaabot ang kanilang mga anunsyo at iba pang mga kaalaman at impormasyong mahalaga para sa mga OFWs.

Umaasa ang pamahalaan na sa pamamagitan nito ay mababawasan ang mga suliraning kinakaharap ng mga OFWs at ng mga kaanak nito at mas mapapagaan ang ginagawang pagsasakripisyo nila mabigyan lamang ng magandang kinabukasan ang kanilang mga pamilya. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment