Tuesday, August 9, 2011

Pagresponde sa mga kagipitan sa karagatan pinaiigting ng Coast Guard


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, August 9 (PIA) – Isinasagawa ngayon ng Philippine Coast Guard Station Sorsogon ang kanilang Search and Rescue Exercise para sa taong 2011 sa Matnog Bay sa bayan ng Matnog, Sorsogon.

Ayon kay Coast Guard Sorsogon Station Commander LtJG Ronnie Ong, Jr., layunin ng aktibidad na matasa ang kahandaan o emergency readiness ng mga kalahok at ang kapabilidad ng mga tauhan ng Coast Guard Station Sorsogon sa pagresponde sa mga panahong nagkakaroon ng mga emerhensya sa karagatan o maritime emergency.

Matatandaang orihinal na itinakda ang nasabing Search and Rescue Exercise noong ika-26 ng Hulyo ngayong taon, subalit dahilan sa bagyong Juaning ay napilitang ipagpaliban ito.

Sa programang ipinadala sa Philippine Information Agency (PIA) Sorsogon kung saan imbitado din ang kinatawan nito bilang observer, matapos ang gagawing search and rescue exercise ay magkakaroon ng critiquing o pagpupuna at pirmahan ng Memorandum of Agreement sa pagitan ng Philippine Coast Guard at Roll-On Roll-Off Search and Rescue operations sa rehiyon ng Bicol. Guest of Honor naman sa aktibidad si Sorsogon Governor Raul R. Lee. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment