Tuesday, August 9, 2011

Pagtalakay sa IHL tampok sa simpleng seremonya ng 903rd Brigade ng Phil. Army


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, August 9 (PIA) – Muling inihayag ng mga opisyal at tauhan ng 903rd Infantry Brigade 9th Infantry Division ng Philippine Army na nakabase sa Brgy. Poblacion, Castilla, Sorsogon ang pangako at katapatan nito sa pagtupad sa mga probisyon ng International Humanitarian Law (IHL) sa isinagawang flag raising ceremony sa kanilang headquarters kahapon.

Matapos ang pag-awit ng Pambansang Awit ng Pilipinas, Panalangin, Panunumpa sa Watawat at Panatang Makabayan, pinangunahan ni Atty. Arnulfo Perete, IHL Provincial Chairman ang Pledge of Commitment at Adherence to IHL ng mga kawal.

Nagbigay mensahe din si Perete at si 903rd Brigade Commander Col. Felix J. Castro, Jr. at bago isinagawa ang picture taking ay inawit din ang 9ID Hymn at Awit Kawal.

Sa ikalawang bahagi ng programa, tinalakay ni Philippine Information Agency Sorsogon Information Center Manager Irma Guhit ang mga mahahalagang detalye ukol sa International Humanitarian Law at ang Republic Act 9851 o ang batas na nagpaparusa sa mga krimen laban sa IHL at paglabag sa mga probisyon nito.

Ipinaliwanag ni Guhit sa kanyang mensahe ang IHL bilang lupon ng mga patakaran sa tamang paggamit ng mga armas at paraan ng pakikipaglaban, batas na pumuprotekta sa mga taong hindi at hindi na nakikilahok sa mga labanan at sa dignidad ng isang tao na malimitahan ang pagdurusa sa panahong may giyera o di pagkakaunawaan.

“Ang sinumang kawal na sumasama sa labanan ay dapat na may sapat na kaalaman ukol sa IHL, at sa bawat pagsabak sa labanan ay dapat na maiwasan ang ‘collateral damage’. Ipinagbabawal din ng IHL ang paggamit ng mga malalakas na armas o gamit pangdigma at kinakailangang tukoy din ng bawat panig na naglalaban kung sino ang kalaban at kung sino ang sibilyan upang maiwasang may madamay na sibilyan o gamitin sila bilang pananggalang. Sa IHL, kalaban man o hindi, ang sinumang nasusugatan sa labanan ay dapat na agarang bigyan ng lunas,” pagbibigay-diin ni Guhit.

Tinitiyak din diumano ng IHL na napoprotektahan ang dignidad ng mga prisoners of war at civilian internees sa pamamagitan ng pagpayag na mabisita ito ng mga kinatawan ng ICRC.

Ang IHL ay isang programa sa ilalim ng International Committee of the Red Cross (ICRC) sa ilalim naman ng patnubay ng Philippine Red Cross (PRC) dito sa bansa. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment