Wednesday, August 10, 2011

Operasyon ng Bac-Man Power Plant maibabalik na sa Setyembre, royalty share ng lungsod binigyang-linaw ng DOE


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, August 10 (PIA) – Inaasahang maibabalik na sa susunod na buwan ang operasyon ng Bacon-Manito Geothermal Power Plant. Ito ang kinumpirma ng Energy Development Corporation (EDC) sa mga stakeholders nito, matapos na ihayag ni EDC Vice-Presiden Agnes de Jesus na nasa final phase na ang rehabilitasyon ng tatlong planta dito sa lungsod ng Sorsogon.

Matatandaang taong 2006 nang matigil ang operasyon ng planta dahilan sa pagdaan ng sunud-sunod na mga kalamidad at tuluyang hindi na ito nakapagpalabas pa ng kuryente.

Tiniyak naman ng Department of Energy (DOE) na regular na binabayaran ng EDC ang buwis ng mga makina at iba pang kagamitan ng EDC na nakalagay sa lugar para sa kanilang geothermal operation.

Ayon kay DOE Renewable Energy Bureau Director Mario Marasigan, ang pagbabayad ng buwis ng EDC ay alinsunod sa pagkakabuo at pagkakarehistro ng EDC sa renewable energy.

Matatandaang naging mainit ang naging isyu ukol sa pagkaantala ng royalty share na dapat ay matanggap ng LGU-Sorsogon City at ng siyam na host barangay nito mula sa operasyon ng Bac-Man Geothermal Power Plant.

Ayon kay City Budget Officer Roberto Jamoralin, nakakatanggap ng P10-M royalty share ang lungsod taon-taon kung saan 80 porsyento nito ay napupunta sa P50.00 power subsidy sa kunsumo ng bawat kwalipikadong kunsumidor, habang ang natitirang dalawampung porsyento ay napupunta naman sa public utilization development. Subalit sinabi ni Jamoralin na ngayong taon ay P69,422 royalty share lamang ang natanggap ng lungsod.

Sa isang dayalogo sa Sangguniang Panlungsod kamakailan, ipinaliwanag ni Marasigan ang bawat detalye sa royalty share at realty tax na dapat bayaran ng EDC. Aniya, taliwas sa nakagawian, simula nang maisa-pribado ang EDC ay nagre-remit na ito ng tax sa DOE, at ang DOE na ang magiging responsable sa pagpapalabas ng royalty share sa mga host Local Government Units (LGUs).

Sinabi din ni Marasigan na dahilan sa nasa rehabilitasyon ang planta, hindi ito ‘operational’, kung kaya’t walang matatanggap na royalty share mula dito. Subalit tiniyak naman niya na sa oras na bumalik ang operasyon ng planta ay makakatanggap uli ang lungsod ng kanilang royalty share.

Inilatag din ni Marasigan ang mga patakaran sa ilalim ng RA 9513 o ang Renewable Act Promoting the Development, Utilization and Commercialization of Renewable Energy Resources upang maging ‘energy self-reliant’ ang buong bansa. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment