Wednesday, August 10, 2011

Pagbakuna sa mga aso sa Sorsogon City nagpapatuloy, 41 barangay natapos nang ikutin


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, August 10 (PIA) – Apatnapu’t isa sa animnapu’t apat na mga barangay sa lungsod ng Sorsogon ang naikot na ng City Veterinary Office sa pamumuno ni City Veterinarian Alex Destura upang magbakuna ng mga aso laban sa rabis.

Ayon kay Veterinary Technician at In-Charge for Media Affairs Arwill Liwanag, sa pamamagitan ng Animal Farmers Assistance Center (AFAC), ang animal mobile clinic ng lungsod, ay naikot ng mga tauhan ng City Veterinary ang mga bahay-bahay sa apatnapu’t isang mga barangay sa Sorsogon City.

Tuwing Biyernes ay umiikot diumano ang kanilang animal mobile clinic at ginagawa nila ang pagbabakuna upang maiiwas ang mga aso sa pagkakaroon ng rabis. “Target naming tapusin ang pagbabakuna ng mga aso sa natitira pang dalawampu’t tatlong barangay hanggang sa susunod na buwan,” ayon pa kay Liwanag.

Maliban sa pagbabakuna sa mga aso, namimigay din sila ng mga bitamina, pamurga at anti-hemorrhagic septicemia o gamot kontra pilay sa mga kalabaw, baka, kambing, baboy at manok sa tatlong distrito ng lungsod.

Nanawagan din si Liwanag sa mga Sorsoganon na gustong isailalim sa artificial insemination ang kanilang alagang kalabaw at baka na bumisita lamang sa City Veterinary Office upang maipatala at maihanda sa prosesong gagawin ang kanilang mga alaga. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment