Monday, August 15, 2011

Philhealth Sorsogon pinulong ang local tri-media

Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, August 15 (PIA) – Upang higit pang palawakin ang kaalaman ng publiko ukol sa mga mahahalagang detalye ng programa ng Philippine Health (Philhealth) Insurance Company (PHIC) partikular sa mga benepisyong ibinibigay nito, pinulong ng Philhealth Sorsogon Field Office sa pakikipagtulungan nito sa Philippine Information Agency (PIA) Sorsogon ang mga lokal na media mula sa TV, radyo at mga babasahin.

Sa ginawang pulong, sinabi ni Philhealth Sorsogon provincial manager Alfredo Jubilo na kadalasang nagiging dahilan kung bakit may mga Sorsoganon pa ring hindi man lang nakakatuntong o nakatuntong man lang ng ospital sa tanang buhay nila ay hindi lamang dahil sa kahikahusan sa buhay kundi dahil din sa kawalan ng kaalaman ukol sa mga programang pangkalusugan ng pamahalaan.

Kaugnay nito, hiningi ni Jubilo ang tulong ng mga kasapi ng media sa pagpapalawak pa ng kamalayan ng publiko at matulungan din silang maunawaan ng mga ito ang kahalagahan ng pagpapatala sa Philhealth at makahikayat din silang maging kasapi nito.

Tinalakay naman ni Marian Garcia ng Philhealth Sorsogon Membership Department ang mahahalagang detalye ukol sa Philhealth, tulad ng membership, benefits at claims.

Binigyang-linaw din ang ilang mga katanungan ng media kaugnay ng kanilang karanasan o minsa’y suliraning naidudulog sa kanilang tanggapan o istasyon tulad halimbawa ng pagkakaputol ng premium payment ng mga employed at non-employed members, isyu sa confinement sa mga ospital at pagkuha ng claims ng mga naoospital na miyembro at dependents nito.

Samantala, namahagi din sa pulong ng Philhealth Inpatient Benefit Schedule flyers upang higit pang maunawaan ng media at maipaabot din nito sa publiko ang mga benepisyong makukuha ng mga kasapi.

Nangako din ang Philhealth na bibigyan nila ng kopya ang media ng mga listahan ng Philhealth accredited hospital sa Sorsogon at accredited bank at koreo kung saan maaari ding magbayad ng kanilang kontribusyon ang mga kasapi nito. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment