Monday, August 15, 2011

Ordinansang magbibigay ng accident insurance sa mga mag-aaral sa Pto. Diaz isinusulong


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, August 15 (PIA) – Isang ordinansa ang isinusulong ni Prieto Diaz Municipal Councilor at Committee Chair on Education Ma. Cristina Labastida ukol sa pagbibigay ng accident insurance sa lahat mga mag-aaral sa elementarya sa bayan ng Prieto Diaz.

Ayon kay Labastida, naaalarma siya sa mga batang mag-aaral na nasasangkot sa ilang mga aksidente, lalo na yaong kabilang sa mga hikahos na pamilya na kadalasang hindi nabibigyan ng tamang medikasyon dahilan sa kawalan ng panustos.

Kung kaya’t naisip diumano niyang isulong ang isang ordinansa na magbibigay ng accident insurance hindi lamang sa iilang mga mag-aaral sa Prieto Diaz kundi sa lahat ng mga mag-aaral sa elementarya dooon.

Aniya, mabebenipisyuhan nito ang mga mag-aaral mula grade 1 hanggang grade six, at kahit diumano sa panahon ng bakasyon ay maaari pa ring makabenipisyo ng accident insurance na ito ang mga bata. Dapat lamang na maipaabot agad sa kanilang tanggapan sakaling magkaroon ng aksidente upang agarang maproseso ang benepisyo.

Tiniyak din ni Labastida na walang anumang gastos na sasagutin ang mga magulang dito o ang pamahalaang bayan ng Prieto Diaz sapagkat ang AC Mafers Foundation na nakabase sa Metro Manila ang siyang magiging sponsor ng nasabing insurance.

Sa kasalukuyan, ang mga mag-aaral sa Lupi Elementary School at Bulawan Elementary School pa lamang sa Prieto Diaz ang naitala nila para sa accident insurance habang pinoproseso na rin ang pagtatala pa ng mga mag-aaral sa iba pang mga elementary schools sa nasabing bayan.

Magsisimula na sa susunod na buwan ang pamamahagi ng mga ID na magtitibay na kabilang sila sa mga makakabenipisyo ng nasabing accident insurance. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment