Ni: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, August 16 (PIA) – Isa ang stress sa mga suliraning pangkalusugan ngayon na kadalasang hindi napapansin ng isang indibidwal sapagkat ang tingin dito ng nakararami ay isang normal na bahagi na ng pang-araw-araw na pamumuhay. Ngunit ito ay isa sa mga pangunahing dapat na maiwasan ng isang tao.
Ayon kay Health Education Promotion Officer ng Sorsogon Provincial Health Office Vivian paguio, normal man na bahagi ng buhay ang stress dapat pa rin itong iwasan dahilan sa kung hindi magiging maayos ang pagharap sa sitwasyon ng buhay, maaaring mauwi sa pagkakaroon ng sari-saring mga problemang pangkalusugan.
Higit na mataas diumano ang potensyal ng pagkakaroon ng stress sa mga manggagawa sa pribado man o pampublikong tanggapan.
Subalit ipinaliwanag din niyang may pagkakataong nakakatulong ang stress kung mahaharap nang maayos sapagkat nagiging hudyat ito upang umisip at gumawa ng mga paraan o bagay na makakabuti para malutas ang isang sitwasyon.
Ayon kay Paguio, ang stress ay maaaring mabuo sa loob ng bahay, sa trabaho at maging sa komunidad na ginagalawan, na kung hindi makokontrol ay maaaring humantong sa alta-presyon o stroke, pagkamainitin at pananakit ng ulo, diarrhea o pagtatae, ulcer, insomnia o di pagkakatulog at depression.
Maari din diumanong maging dahilan ito ng atake sa puso lalo kung walang ‘outlet’ ang isang indibidwal at laging itinatago ang stress.
Kaugnay nito hinikayat ni Paguio ang publiko na labanan ang stress at harapin ang mga problema at tanggapin sa sarili ang mga bagay na hindi na talaga kayang baguhin pa.
Maiiwasan din aniya ito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng positibong pag-iisip at magandang pananaw sa buhay, pakikipag-usap sa taong mapapagkatiwalaan, pagrerelax, maayos na pahinga at tulog, pagkakaroon ng tamang diet, pag-iwas sa paninigarilyo at pag-eehersisyo. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment