Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, September 2 (PIA) – Isinusulong ngayon ni Liga ng mga Barangay President Ruben Lagco ang isang resolusyon na magbibigay ng insurance at tulong pinansyal sa mga halal na opisyal ng barangay sakaling may masamang mangyari sa mga ito.
Ayon kay Lagco, hindi lahat ng mga nahahalal na opisyal sa barangay ay may kakayahang pinansyal para sustinihan ang babalikating gastos sakaling may mga hindi inaasahang pangyayari tulad ng pagkamatay.
Sakaling maipasa ito, malaking tulong umano ang insurance at tulong pinansyal na ibibigay para sa mga maiiwanang mahal sa buhay ng opisyal ng barangay.
Ayon pa kay Lagco, nakatakda na umanong iprisinta ang isusulong niyang resolusyon sa mga susunod na regular na sesyon ng Sangguniang Panlungsod.
Sinabi pa ni Lagco na ngayon pa lamang ay kinakakaitaan na ng buong suporta mula sa mga opisyal ng animnapu’t apat na mga barangay ng Sorsogon City ang isinusulong niyang panukala, kung kaya’t umaasa siyang madaling mailulusot ito sa Sangguniang Panlunsod upang maging ganap na ordinansa.
Sa kasalukuyan, may ilang mga barangay na sa Sorsogon ang nagpapatupad nito tulad ng mga bayan ng Magallanes at Castilla. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment