Ni: Francisco B. Tumalad, Jr.
Lungsod ng Sorsogon, September 2 (PIA) – Pinag-iingat ng mga awtoridad dito ang publiko partikular ang mga taga-lungsod ng Sorsogon laban sa mga kalalakihang umiikot sa mga barangay upang ipakilala at ibenta ang kanilang produkto sa nais makatipid sa paggamit ng kuryente.
Ilan sa mga nabiktima sa West District ang nagreklamo na rin sa mga kinauukulan at ayon sa mga ito, dalawang lalaki at isang babae ang magkakasabwat na nagbibigay paliwanag sa kanila kung papaanong mapapababa ng power reducer ang kunsumo ng kuryente.
Ang mga bahay na kumukunsumo ng 150 kilowatts o may bill na dalawang-libong piso bawat buwan ang prayoridad na bigyan ng mga free demonstration at pagbentahan na rin ng naturang gadget.
Nagbigay abiso naman si Sorsogon II Electric Cooperative (SORECO II) West Distrcit Sub-Office Supervisor Aries Ferolino na mag-iingat sa pagbili ng mga produtong tulad nito sapagkat diumano’y ilegal ito at walang awtorisasyon sa kanilang tanggapan, maging sa Bureau of Internal Revenue at Department of Trade and Industry.
Aniya, maliban sa mga mahuhuling nagbebenta nito ay maaari ding maparusahan ang mahuhuling gagamit nito lalo kung hindi awtorisado ng SORECO. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment