Tuesday, September 13, 2011

Kasanggayahan Festival 2011 magpapaangat pa ng turismo sa Sorsogon


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, September 13 (PIA) – Buo ang tiwala ng Department of Tourism (DOT) Regional Office V na sa pamamagitan ng pagdiriwang ng Kasanggayahan Festival, ang opisyal na festival ng lalawigan, ay higit pang mapapaangat at maisusulong ang turismo sa Sorsogon.

Sa ginawang press conference para sa mga aktibidad sa Kasanggayahan Festival 2011 na dinaluhan ng mga local at national media, inihayag ni DOT V Regional Director Maria O. Ravanilla na malaking ambag sa pagsusulong ng turismo ang nagkakaisang ugnayan ng mga pampubliko at pampribadong institusyon at indibidwal sa mga aktibidad at proyektong nais gawin sa pagdiriwang ng Kasanggayahan Festival 2011 sa pagtutulungan ng Kasanggayahan Foundation, Inc. (KFI) at ng Sorsoganon Kita, Inc. (SKI), ang opisyal na namamahala sa Kasanggayahan Festival ngayong taon.

Samantala, ipinaliwanag naman ni SKI president Michael Sulit ang detalye ng mga tampok na aktibidad tulad ng 'Pantomina sa Tinampo' na ngayong taon ay gagawin sa gabi sa halip na sa hapon kung saan gagamitin ang lokal na "Sinakiki” pantomina dance step na pinasikat ng bayan ng Gubat.

Pararangalan din diumano ang mga natatanging Sorsoganon na una nang nagdala ng karangalan sa lalawigan at napabilang sa 'Ten Outstanding Young Men (TOYM) of the Philippines' kasama na rin ang mga Sorsoganon na may mga natatanging nagawa sa larangan ng akademya, serbisyo publiko, pamamahala, media at iba pa sa pamamagitan naman ng inihanda nilang “Oragon Awards”.

Inihayag din niya na taliwas sa nakagawiang paggamit ng Capitol Park, ngayong taon ay ang mga pasilidad naman ng Balogo Sports Complex ang gagamitin para sa mga gagawing aktibidad ng Kasanggayahan.

Masisilayan din ang kauna-unahang Mardi Gras sa pangunguna ng Bukawel Cultural Dancers.

Mahigit sa tatlong milyong piso ang itinalagang badyet para sa pagdiiriwang ng Kasanggayahan ngayong taon. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment