Tuesday, September 13, 2011

Pagbaba ng enrolment sa mga kursong pang-agrikultura, hamon sa mga paaralan at LGU


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, September 13 (PIA) – Sa pagpasok ng makabagong teknolohiya ngayon partikular sa larangan ng impormasyon, unti-unti nang naagaw nito ang atensyon ng mga paaralan at kolehiyo dahilan upang unti-unti nang bumaba ang bilang ng mga mag-aaral na nag-eenrol sa mga kursong pang-agrikultura, pampangisdaan at pangkagubatan.

Ito ang malaking hamon ngayon sa mga guro, paaralan at pamahalaan at kung paanong gagamitin ito bilang oportunidad na gawing kapaki-pakinabang para sa pagbabago ng ilang sistema sa mga paaralan at kolehiyo.

Ayon kay Dr. Higino Ables, Jr., dating dekano ng Bicol University College of Agriculture and Foestry (BUCAF) sa Guinobatan, Albay at dating Vice-Chancellor for Academic Affairs ng University of the Philippines Los Banos (UPLB), maliban sa kawalan na rin ng interes ng mga mag-aaral sa ganitong kurso, ilan pa sa mga nakikita niyang dahilan kung bakit patuloy na bumababa ang enrolment ay ang kakulangan din ng mga agicultural job opportunities sa bansa at kawalan ng mga sariling lupang masasaka ng mga nakakatapos sa mga kursong ito dahilan upang maghanap ng trabahong malayo sa mga kursong napagtapusan nila.

Kaugnay nito, iminungkahi ni Dr. Ables sa mga kolehiyong may mga kursong agrikultura, pangisdaan at pangkagubatan na makipagkawing sa ibang mga kursong binubuksan sa loob mismo ng kaparehong unibersidad tulad ng agricultural chemistry, agribusiness management, agricultural engineering and technology, agricultural journalism at landscape architecture.

Iminungkahi din niya sa mga kolehiyo na maglaan ng mas maraming oras sa mga aktibidad sa pagsasanay at extension work. Ang mga guro sa agrikultura ay maaari din diumanong bigyan ng assignment tulad ng pagtulong sa mga agricultural technician na sinuswelduhan ng mga lokal na pamahalaan o LGU.

Katuwang din ang mga LGU gamit ang kanilang development fund, maaari ding magbukas ng maiikling kursong non-degree ang mga agri-school. Sa pamamagitan nito ay makakatulong ang mga agri-schools sa mga lalawigan na maisulong ang gawaing pansakahan at mapataas pa ang antas ng produksyon at kaunlaran sa mga kanayunan. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment