Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, September 5 (PIA) – Inilagay na ang kauna-unahang Automatic Warning System (AWS) ng lalawigan ng Sorsogon noong nakaraang linggo sa bayan ng Barcelona kung saan sakop din nito ang bahagi ng bayan ng Bulusan at ng Santa Magdalena, Sorsogon.
Ayon kay Sorsogon Provincial Disaster Risk Management Office (PDRMO) Public Information Officer Von Labalan, inilagay ang instrumento sa isang lugar na nakaharap sa direksyon ng Dagat Pasipiko kung saan madalas pumasok ang mga masusungit na panahon mula sa karagatan.
Aniya, napakahalaga ng proyektong ito dahil madali nang masusubaybayan ang lagay ng panahon sa isang partikular na lugar. Sa pamamagitan nito ay maaari nang ibunyag ng instrumentong AWS ang paparating na panganib na dala ng natural na kalamidad dahilan sa early warning o maagang pagtaya nito.
Sa pamamagitan ng AWS, mas mabilis na ring makakarating ang impormasyon sa mga apektadong lugar para sa kaalaman ng mga kinauukulan, bago pa man magpalabas ng opisyal na pahayag ang PAGASA hinggil sa kalagayan ng panahon.
Ayon pa kay Labalan, naisakatuparan ito sa pagtutulungan ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Service Administration (PAGASA) at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Sorsogon.
Matatandaang una nang nagkaroon ng AWS units ang mga bayan ng Catarman, Garchitorena, Ragay at Tinambac sa lalawigan ng Camarines Sur, lungsod ng Legaspi at bayan ng Tiwi sa Albay, Jose Panganiban sa Camarines Norte, at Mandaon sa lalawigan ng Masbate.
Samantala, patuloy pa rin ang PAGASA at ang Pamahalaang Panlalawigan ng Sorsogon sa pagtutulungan kaugnay sa paglalagay pa ng dagdag na AWS units sa Sorsogon sa mga lugar na tutukuyin ng PAGASA, Philippine Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) at ng PDRMO.
Hiling ngayon ng PDRMO na magkaroon pa ng karagdagang AWS units mula sa PAGASA para naman sa bayan ng Prieto Diaz, kung saan makikinabang din dito ang bayan ng Gubat, kasama na ang Bacon District sa Sorsogon City. Iminumungkahi din ang paglalagay ng AWS sa bayan ng Irosin na pakikinabangan din ng bayan ng Juban, pati na ng ilang bahagi ng Bulkang Bulusan sa tuwing nakararanas ng matinding ulan at inaanod ang deposito ng lahar pababa sa mga ilog sa paligid nito. Maging sa mga pantalan ng Bulan, Matnog at Pilar ay nais ding palagyan ng AWS. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment