Ni: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, September 1 (PIA) – Sa kabila ng hindi pagsuporta ng ilang mga tsuper at operator ng traysikel at ilang van patungong Legazpi City, mapayapa pa ring naidaos kahapon ang isinagawang tigil-pasada at protesta ng bayan sa kalakhan ng rehiyong Bikol.
Isangdaang porsyentong nakiisa ang mga tsuper at operator ng bus at dyipni, 97 porsyento naman ang mga van habang 75 porsyento lamang ang nakiisa sa panig ng mga traysikel. Mag-aalas dose ng tanghali na nang maramdaman sa kabisera ng lungsod ang tigi-pasada, subalit bandang alas singko ng hapon ay mistulang natapos na ang strike dahilan sa mas naging pansin na ang maraming bilang ng mga namasadang traysikel na ayon kay Federated Association of Tricycle Operators and Drivers president Mike Frayna ay pawang mga kolurom, walang prangkisa at hindi kasapi ng kanilang organisasyon ang mga namasadang ito.
Samantala, sa naging pagtatasa ng Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON), halos ay 93 porsyentong naparalisa ang transportasyon sa buong rehiyon ng Bicol.
Sinabi naman ni Eduardo Ferreras ng Condor-Piston Bicol na umabot sa 98 porsyento ang pagkaparalisa sa lalawigan ng Albay, 99 porsyento sa Sorsogon, 85 porsyento sa Camarines Sur, 95 porsyento sa Masbate, samantalng kilos protesta naman ang ginawa ng mga tsuper at iba’t-ibang mga sector sa Catanduanes.
Sa kaugnay na balita, hiling naman ng ilang mga suportador sa mga pamunuan ng mga paaralan, mga manggagawa sa pribado man o pampublikong tanggapan at sa buong komunidad na magbigay din ng buong suporta sa pamamagitan ng pagkansela ng klase at hindi pagpasok sa mga tanggapan. Anila, ito ang magiging mabisang pamukaw sa mga kinauukulan at sakaling magtagumpay ang hinihingi nila tulad ng P9 bigtime rollback sa produktong petrolyo ay lahat naman manginginabang.
Umapela din ang ilang mga magulang sa mga awtoridad ng paaralan na gawin na lamang na general rule ang pagkansela sa mga klase sa tuwing may mga ginagawang tigil-pasadang tulad kahapon. Nagdadala kasi diumano ng kalituhan sa mga mag-aaral at mga magulang kung hindi direktang kinakansela ang klase sapagakat papasukin nila ngunit pauuwiin rin lang naman at pagbabayarin pa rin ng make-up class ang mga mag-aaral at guro. Nagiging doble din diumano ang kanilang gastos at pag-aalala sa ganitong sitwasyon.
Sa kasalukuyan, sinununod ng mga paaralan ang omnibus school and office rules and decorum kung saan hindi dapat na makahadlang ang transport strike sa operasyon ng DepEd. Sususpinihin lamang umano ang klase kung may atas mula sa regional office ng DepEd. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment