Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Oktubre 26 (PIA) – Sinimulan kanina ang dalawang araw na Regional Cooperative Congress sa Social Hall ng Sorsogon State College dito sa lungsod ng Sorsogon.
Ayon kay Provincial Cooperative Development Council Chair Tony Dionela, limangdaang kooperatiba mula sa iba’t-ibang mga lalawigan sa buong rehiyon ng Bikol ang inaasahan nilang makikilahok dito kung saan dalawangdaan nito ay mula sa Sorsogon, ang host province, habang ang tatlong-daan ay mula naman sa anim pang mga lalawigan ng Bicol.
Sa unang araw ng aktibidad ay inaasahang magbibigay ng mensahe ng inspirasyon si Senator Francis Chiz Escudero habang nakatakda namang talakayin ni COOP-NATCCO Partylist Representative Jose R. Ping-Ay ang Coop Governance at Ethical Standards. Keynote Speaker naman si Cooperative Development Authority Chairman Emmanuel M. Santiaguel, Ph.D.
Kasama din sa mga tatalakayin ang Climate Change Mitigation and Adaptation na mahalagang maintindihan din ng mga kasapi ng kooperatiba at ito ay tatalakayin ni Executive Director Manuel Rangasa ng Climate Change Academy ng Albay.
Ilan pa sa mga paksang pag-uusapan sa nasabing congress ay ang electric consumers rights at iba pang mga programa at serbisyong may kaugnayan sa operasyon ng isang kooperatiba.
Mamayang gabi ay magkakaroon ng pagpapakilala at Last Canvassing ng mga kandidata para sa Ms. Cooperative at pagbibigay parangal at pagkilala sa Most Outstanding Cooperative, Most Outstanding Cooperative Development Council at Cooperative Development Officer.
Bukas gaganapin ang break out session kung saan tampok dito ang pagtalakay sa Food Supply Chain (Financing/Linkaging), Enhancing Financial Intermediation, Local Governnment Unit-Cooperative Partnership, Investing in Cooperative Education: A Must! At Government Programs on Product Development, Maketing and Entrepreneurship.
Sa hapon ay ipiprisinta ang mga resolusyong nabuo at tatalakayin naman ni CDA Executive Director Orlando Ravanera ang International Year of Cooperatives sa 2012 ayon sa itinakda ng United Nations. Ang International Year of Cooperatives ay naglalayong makuha ang atensyon ng national government, business community at ang ng publiko ukol sa mga kabutihang naidudulot ng mga kooperatiba.
Sinabi ni Dionela na pag-uusapan din ang mga isyu at usaping may kaugnayan sa mga kooperatiba partikular ang mga nakapaloob sa Republic Act 9520 o mas kilala bilang New Cooperaive Code of the Philippines.
Matatapos ang nasabing regional congress sa pamamagitan ng isang Solidarity Night with Live Band, Raffle Bonanza at Coronation Night ng tatanghaling Ms. Cooperative 2011. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment