Wednesday, October 26, 2011

Agri-Tourism tampok sa Kasanggayahan Business Forum


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Oktubre 26 (PIA) – Maituturing ang lalawigan ng Sorsogon bilang isa sa mga lalawigan sa rehiyon na may malaking potensyal sa larangan ng turismo.

Maliban sa isinusulong ng pamahalaang probinsyal na eco-tourism, nais din ng Department of Trade and Industry (DTI) sa pamamagitan ng Provincial Small and Medium Enterprise Development Council (PSMEDC) na malinang ang iba pang uri ng turismo lalo na ang tinatawag na agri-tourism sa lalawigan ng Sorsogon.

Ayon kay DTI provincial director Leah A. Pagao, tampok sa gagawing Kasanggayahan Business Forum ngayong araw ang agri-tourism potential ng Sorsogon lalo’t isa itong lalawigang sagana sa mga agrikultural na produkto.

Ang isang araw na Business Forum ay lalahukan ng mga may-ari ng mga sakahan sa Sorsogon, lokal na opisyal at iba pang mga stakeholder na kabilang sa may mahahalagang kontribusyon sa pag-unlad ng bansa.

Ayon kay Pagao, sa pamamagitan nito ay mabibigyang oportunidad ang mga may-ari ng mga sakahan dito na buksan ang kanilang mga lupain sa mga mag-aaral, turista at mga bisita bilang isa sa mga destinasyong panturismo kung saan maaari nilang ipakita ang prosesong pinagdadaanan ng mga produktong agrikultural bago ito ilabas sa mga pamilihan, at ipakita din ang masaya at mapayapang uri ng buhay sa kanayunan.

Ang nasabing forum ay isang tipikal na halimbawa din diumano ng public-private partnership effort na siya ring isinusulong ngayon ng pamahalaang nasyunal kung saan matutulungan ng pamahalaan ang mga pribadong may-ari ng mga sakahan lalo sa paraang teknikal at maging sa pinansyal ding aspeto.

Inaasahan ang pagdating ng dalawang kongresista ng lalawigan ng Sorsogon na sina Congressman Salvador H. Escudero III ng unang distrito at Congressman Deogracias B. Ramos ng ikalawang distrito upang magbigay suporta at mensahe sa mga kalahok. (PIA Sorsogon)



No comments:

Post a Comment