Tuesday, October 4, 2011

Bird Flu sinusubaybayan ng City Veterinary Office

Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, October 4 (PIA) – Sinabi ni Sorsogon City Veterinarian Dr. Alex Destura na bagamat wala pa namang naitatalang kaso ng bird flu virus sa bansa ay masusi pa rin nilang sinusubaybayan ang posibleng pagpasok nito sa lungsod ng Sorsogon.

Ayon kay Dr. Destura, aminado siyang ilang mga lugar sa lungsod ang palagiang dinadagsa ng mga migratory birds o mga ibong nagmumula sa ibang bansa.

Ilan sa mga lugar na ito ay ang Brgy. Cabid-an sa East District at Brgy. Gimaloto sa West District at kadalasang sa mga ganitong buwan ito dumadayo dito.

Pinaniniwalaang ang mga dayuhang ibong tulad nito ang carrier o nagdadala ng bird flu virus na delikado sa mga alagang manok, apto, itik at mga kauring hayop at maging sa mga baboy din.

Kaugnay nito, nanawagan si Dr. Destura sa publiko na sakaling may mapansing kakaiba sa kanilang mga alagang hayop ay kaagad na ipaabot ito sa kanilang kaalaman upang makagawa rin sila ng mabilisang aksyon at upang huwag nang lumala at kumalat pa ang pinangangambahang bird flu. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment