Tuesday, October 4, 2011

Consolidated damage report kaugnay ng bagyong Pedring inilabas na ng SPDRMO

Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, October 3 (PIA) – Siyam na mga bayan at isang lungsod sa lalawigan ng Sorsogon ang nagsumite na ng kanilang damage report matapos na dumaan ang bagyong Pedring noong Setyembre 26 hanggang 27.

Sa pinagsamang ulat ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Management Office (SPDRMO), pitong barangay sa lungsod ng Sorsogon ang nakapagtala ng mga evacuees na umabot sa kabuuang 459 na pamilya na pawang nabigyan naman ng kaukulang atensyon ng kani-kanilang mga barangay-LGU (Local Government Unit).

Walong mga mangingisda mula sa Brgy. Cambulaga ang naiulat na nawala subalit lahat ng mga ito ay narekober ng buhay habang apat na mga bangka dito ang tuluyang nasira.

Isang bahay ang nasunog sa bayan ng Magallanes dahilan sa pagkaputol ng isang poste ng Sorsogon Electric Cooperative (SORECO) doon.

Pawang mga naistranded lamang ang naitalang naapektuhan ng bagyo sa bayan ng Pilar at maging sa Matnog at Bulan ay may mga naistranded din.

Naperwisyo naman ang ilang kabahayan at imprastruktura sa bayan ng Matnog at Bulan dahilan sa storm surge. Isa ang naitalang nasugatan sa bayan ng Bulan.

Maliban sa nasirang bahay, nakapagtala din ang Pto. Diaz ng 62 pamilyang evacuees. Habang nailigtas naman sa Donsol ang tatlong mangingisdang napadpad mula sa Claveria, Masbate.

Sa panig ng agrikultura, umabot sa P210,275.52 ang napinsala sa bayan ng Casiguran at 428.68 ektaryang taniman ang naapektuhan at 374 na magsasaka naman ang napinsala sa bayan ng Juban, habang kakaunti lamang ang naitalang pinsala sa niyog sa bayan ng Bulusan.

Sa kabila ng damage report na ito, nagpasalamat pa rin ang mga awtoridad at mas nakakaraming residente dito dahilan sa hindi gaanong hinagupit ang Sorsogon ng nagdaang bagyo. (PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment