Ni: Francisco Tumalad Jr./Benilda A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Oktubre 27 (PIA) –Puspusan na ngayon ang ginagawang pagsasanay ng mga mag-aaral ng Special Education (SPED) ng Sorsogon East Central School sa Lungsod ng Sorsogon kaugnay ng gaganaping kumpetisyon sa pagdiriwang ng Deaf Awareness Week sa lungsod ng Naga sa darating na Nobyembre 6 hanggang Nobyembre 12 ngayong taon.
Ayon kay SPED Coordinator Donna Tumalad, tatlo rin silang mga guro ng SPED ang napiling kumatawan sa SPED Division ng Sorsogon City kasama na si Bb. April Camposano at G. Darryl Caubang.
Sinabi ni Tumalad na kakaibang kasiyahan ang makikita sa mga mag-aaral habang nag-eensayo at handa ang mga itong maglaan ng panahon at dumayo sa Sorsogon National High School upang doon magsanay sa pagsasayaw sa tulong isang guro doon at ng kanilang gurong tagapayo bilang interpreter. Ang nasabing sayaw ang ilalahok nila sa gagawing kumpetisyon.
Oktubre pa lamang ay naisumite na umano sa tanggapan ni City Schools Division Superintendent Dr. Virgilio S. Real ang proposal ng SPED coordinator hinggil sa mga gagastusin dito at hindi naman umano sila nabigo sapagkat buo ang naging suporta ng City Deped at agad ding naaksyunan at naaprubahan ang kanilang mga proposal.
Wala din umano silang naging suliranin sa mga magulang ng mga mag-aaral na labis din ang suportang ipinapakita hindi lamang sa ganitong pagkakataon kundi sa lahat ng mga programang ipinatutupad ng SPED.
Ang mga mag-aaral na may espesyal na pangangailangan ay aktibo din sa iba pang mga aktibidad tulad ng swimming, table tennis at chess. Nakapag-uwi na rin umano ito ng tatlong medalya sa ginawang SPED Bicol Swimming Competition noong 2006.
Samantala, matatandaang idineklara ni dating Pangulong Corazon c. Aquino ang Nobyembre 10 hanggang Nobyembre 16 ng bawat taon bilang Deaf Awareness Week sa bisa ng Presidential Proclamation No. 889. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment