Lungsod ng Sorsogon, Oktubre 27 (PIA) – Kaugnay ng pagdiriwang ng Children’s Month ngayong buwan ng Oktubre, isinasagawa ngayong araw dito sa Sorsogon ang isang araw na Provincial Forum upang pag-usapan ang mga usapin at isyung may kaugnayan sa pagbibigay proteksyon sa mga bata.
May temang “Managing Children’s Concern: Investment for the Future”, layunin ng nasabing provincial forum na repasuhin ang kalagayan ng konseho ng mga Local Government Unit (LGU) na may kaugnayan sa pagsusulong ng karapatan at pagbibigay proteksyon sa mga bata.
Ayon kay Myra Relativo, coordinator ng Provincial Social Welfare and Development Office, mithi din nitong paigtingin o di kaya’y buhayin ang aktibong pakikibahagi ng mga LGU sa kampanya laban sa pang-aabuso sa mga bata at iba pang mga kaugnay na programa sa pamamagitan ng masusing pagsubaybay sa mga batang nasasakupan nito.
Kabilang sa mga paksang tatalakayin ay ang Child Friendly Governance na tatalakayin ni Department of Social Welfare and Development Office Bicol Regional Director Remia T. Tapispisan, Building Child Friendly Communities: Sharing of Best Practices na tatalakayin naman ni Mayor Liecel Seville ng New Lucena, Iloilo City.
Matatandaang ilang ulit nang pinarangalan bilang Most Child-Friendly ang New Lucena sa Lungsod ng Iloilo dahilan sa natatanging mga pamamaraan nito sa pagpapatupad ng kanilang child-friendly program.
Tatalakayin naman ni Department of Interior and Local Government Bicol Regional Director Blandino Maceda ang paksang Strengthening Local Council for the Protection of Children: Institutionalizing Children’s Program habang ibinigay naman kay Bicol Regional Prosecutor Mary May B. De Leoz ang paksang Seeing the Best Interest of the Child: Laws on Children.
Magkakaroon din ng Open Forum upang bigyang-linaw ang ilan pang mga usapin at isyung nakahahadlang upang epektibong maipatupad ang mga programang may kaugnayan sa mga bata.
Kalahok sa nasabing forum ang technical working group ng Provincial Council for the Protection of Children at mga lokal na opisyal ng labing-apat na bayan at isang lungsod ng Sorsoogn. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment