Thursday, October 20, 2011

Pledge 25 at RC 143 program ng Philippine Red Cross pinaiigting


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Oktubre 20 (PIA) – Patuloy pang pinaiigting ng Philippine Red Cross (PRC) Sorsoogn Chapter ang kanilang Pledge 45 at Red Cross (RC) 143 campaign kaugnay ng patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng dengue sa bansa.

Ayon kay PRC Sorsogon Chapter Manager Salvacion Abotanatin, mahigit isangdaan na rin ang naitatala nilang mga volunteer mula sa mga paaaralan sa kolehiyo dito sa lungsod ng Sorsogon na anumang oras ay matatawag sakaling magkaroon ng mga dagliang pangangailangan sa dugo. Ito umano ay maliban pa sa mga volunteer mula sa mga local government units (LGU).

Sunud-sunod din ang ginagawang mga pagsasanay at information and education drive ng PRC upang maipaabot sa publiko ang kahalagahan ng pagbibigay ng dugo hindi lamang para sa mga pasyenteng matutulungan nito kundi maging sa personal na kausugan at kondisyon ng pangangatawan ng isang indibidwal na nagbibigay ng dugo.

Mayroon na din umanong mga detailed nurses ngayon na nakakatuwang nila sa kanilang mga programa. Ikinututuwa din umano ng kanilang tanggapan ang suporta at pagiging aktibo na rin ngayon ng mga LGU pagdating sa blood letting activities at pagkakaroon ng mas mataas na kamalayan ngayon ng komunidad ukol sa mga programang tulad nito.

Matatandaang nagpalabas din kamakailan ng isang memorandum ang Secretary General ng Philippine Red Cross para sa lahat ng mga chapters nito sa bansa na buhayin at paigtingin ang RC 143 Community Health Team at Pedges 25 volunteers upang mamantini ang pagiging mapagbantay at pagsasagawa ng mga kaukulang aksyon upang mapataas ang kamalayan ukol sa pagkontrol at pagsugpo sa sakit na dengue sa kani-kanilang mga nasasakupang lugar.

Sa tala ng PRC National Office umaabot na sa tatlumpu’t-walong libong kaso at dalawangdaang pagkakamatay ang naiulat na mula Enero 2011 hanggang Hulyo 2011 at patuloy pang tumataas hanggang sa ngayon.

Sa Sorsogon, siyam na kaso ng dengue lamang ang naitatala sa kaparehong panahon, higit na mababa kumpara noong taong 2010. (PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment