Thursday, October 20, 2011


Mga bilanggo ng SPJ sumayaw sa kalsada
Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Oktubre 20 (PIA) – Sa kauna-unahang pagkakataon ipinakita ng mga bilanggo ng Sorsogon Provincial Jail (SPJ) ang binuo nilang sayaw at iba pang mga palabas  sa ginawang ‘Kasanggayahan Inmates Break’ sa Capitol Grounds alas dos y medya ng hapon, kahapon.

Ayon kay Sorsogon provincial Jail Warden Josefina Lacdang, hinikayat at talagang binuksan nila sa publiko ang nasabing street presentation na ito ng mga bilanggo partikular sa mga kamag-anak at kaibigan ng mga bilanggo.

Sinabi ni Lacdang na mismong si Sorsogon Governor Raul R. Lee ang humikayat sa kanya na turuan ng sayaw, kanta at iba pang mga natatanging palabas ang mga bilanggo upang mas maging abala pa ang mga ito.

Mahigit umano sa isangdaang mga bilanggo ang nakilahok sa kauna-unahang palabas na ito na ginawa nila bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Kasanggayahan Festival 2011.

Ipinagmalaki din ni Lacdang ang malaking pagbabago ngayon sa SPJ mula sa pisikal na istruktura nito hanggang sa ugali at samahan ng mga bilanggo.

Aniya, sa dami ng pinagkakaabalahan at mga mapaglilibangan sa loob ng bilangguan, nawalan na umano ng panahon ang mga bilanggo na gumawa pa ng mga malalaking gulo at suliranin sa loob.

Kabilang sa mga pinagkakabalahan ng mga ito ay ang pag-aaral lalo na’t maraming mga scholarship at iba pang oportunidad ang ibinibigay ng mga kapartner na organisasyon at institusyon ng SPJ. Mayroon din umanong library ang SPJ, mga libangan tulad ng isports, livelihood activities at binibigyang pagkakataon din niyang makapagkantahan ang mga bilanggo tuwing Biyernes.

Samantala, ayon naman sa ilang mga obserbador, ang pagbabago ngayon sa SPJ ay bunga na rin ng maganda at makataong pagtrato ni Lacdang sa mga bilanggo. (PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment