Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, October 7 (PIA) – Nanawagan ang asosasyon ng Ladies of Charity dito sa Sorsogon sa mga matulungin at may mabubuting kalooban ng kaukulang tulong upang patuloy nilang mamantini at masustinihan ang operasyon ng Home for the Aged dito.
Ayon kay Ladies of Charity President Placer Balmaceda, pitongdaang piso ang kailangan nilang badyet sa araw-araw para maibigay sa mga matatandang nakalagak dito ang kanilang mga pangangailangan.
Aniya, maliban sa pagkain, kailangang-kailangan nila sa operasyon ang mga gamot at diaper para sa mga matatanda. Ipinagpapasalamat din nila umano na may mga taong maliban sa materyal na mga pangangailangan ng mga matatanda ay nakapagbibigay din ng mga spiritual at emotional assistance na pangunahin ding kailangan ng mga ito.
Sinabi din ni Balmaceda na mapalad ang lalawigan ng Sorsogon sapagkat ito at ang lungsod ng Naga lamang ang mayroong Home for the Aged sa buong rehiyon ng Bikol na nagbibigay ng kaukulang atensyon sa mga matatandang inabandona o wala nang mga kamag-anak na mag-aalaga sa mga kanila.
Sa pahayag pa ni Balmaceda, ilang mga pulitiko at indibidwal din ang may mga pledges na ibinigay sa kanila, subalit hindi umano ito nakasasapat upang maibigay ang tunay na pangangailangan ng mga matatanda.
Ang kalagayang ito umano ang dahilan kung bakit umaapela sila sa publiko ng kaukulang tulong nang sa gayon ay hindi naman magmukhang lalong kaawa-awa ang mga ito.
Bukas din daw ang Home for the Aged sa mga bibisita at nais makita ang kalagayan ng mga matatandang nakalagak sa naturang institusyon. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment