Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Nobyembre 4 (PIA) – Aktibo at handa ang mga blood donors sa lalawigan ng Sorsogon lalo sa oras ng mga kagipitan.
Ito ang kinumpirma ng pamunuan ng Philippine Red Cross (PRC) Sorsogon chapter kaugnay ng patuloy na pagpapaigting pa nila ng kanilang Red Cross 143 campaign.
Ayon kay PRC Board of Directors Chair Atty. Arnulfo Perete, sunud-sunod ang kanilang mga aktibidad sa pagbibigay ng mga kasanayan at impormasyon sa mga mamamayan upang maipaabot sa magi to ang kahalagahan ng boluntaryong pagbibigay ng dugo sa tulong din ng lokal na opisyal pangkalusugan sa Sorsogon.
Sinabi din niyang patuloy ang pagsisikap ng PRC na madagdagan ang kanilang mga pasilidad tulad ng imbakan ng dugo na magagamit sa tuwing nagkakaroon ng blood letting activity dito upang hindi masira at masayang ang mga nakukuhang dugo mula sa mga blood donors.
Sa ngayon ay patuloy pa rin sila umano sa panawagan sa publiko na makiisa sa kanilang kampanya at sa kampanyang pangkalusugan ng pamahalaan tulad ng blood donation program.
Dagdag din niya na sa pinakahuling blood donation guidelines, maaari umanong magbigay ng dugo ang sinumang may edad mula labingwalo (18) hanggang animnapu’t lima (65) at may timbang na hindi bababa sa 110 libra/pound. Ayon pa kay Perete, aabutin lamang ng sampung minuto ang proseso sa isang taong kukuhanan ng 450cc na dugo.
Matatandaang dati nang nanawagan si Department of Health (DOH) Asst. Secretary Enrique A. Tayag sa publiko na patuloy na boluntaryong magbigay ng dugo upang matugunan ang aktwal na pangangailangan nito taon-taon.
Binanggit din ng opisyal na nangangailangan ng humigit-kumulang isang milyong bags ng dugo taon-taon. Subalit, 700,000 lamang ang nakokolekta bawat taon kung kaya’t hinihikayat niya ang publikong boluntaryong maging aktibo sa pagbibigay ng dugo. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment