Friday, November 4, 2011

DOE, SKI magsasagawa ng IEC sa publiko ukol sa geothermal exploration sa Irosin


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Nobyembre 4 (PIA) – Sa pagsusumikap ng Department of Energy (DoE) kasama ng Summa Kumagai Industries (SKI) na makamit ang pinakamabisang hakbang tungo sa pagsasakatuparan ng iminumungkahing geothermal exploration sa paligid ng Mt. Bulusan, magsasagawa ito ngayong araw ng Information Education Campaign (IEC) sa mga kasapi ng Sangguniang Bayan ng Irosin at mga kapitan ng barangay ng apektadong lugar.

Ang mga barangay na ito ay kinabibilangan ng Mapaso, San Benon, Gulang-gulang, Cogon, Patag, Tinampo, Bagsangan, Bolos at Guruyan.

Sa liham na inilabas ng SKI na pirmado ni Albert D. Altura, president at CEO ng SKI, inihayag nitong ninais nilang imbitahin ang mga opisyal na nabanggit bilang bahagi ng kanilang pangakong nakapaloob sa inaprubahang work program ng DoE para sa gagawing pag-aaral sa palibot ng Mt. Bulusan kaugnay ng nakikitang geothermal potential dito.

Naniniwala umano silang sa pamamagitan nito ay makakakuha sila ng positibong tugon at pagtanggap mula sa mga ito sa pagtitiyak na lahat ng mga kaukulang regulatory compliance na itinakda ng pamahalaan at mga rekisitos pangkalikasan ay matutugunan ng kanilang tanggapan habang ginagawa ang eksplorasyon at operasyon ng geothermal project.

Tiniyak din nilang sa pamamagitan ng gagawing IEC ay maipapaabot nila sa mga kinauukulan ang mga mahahalagang impormasyon at kamalayan sa publiko ukol sa renewable energy partikular sa paglilinang ng yamang geothermal sa isang lugar.

Layon din nilang ipakita ang mga aktibidad na gagawin nila sa kanilang pag-aaral at ang mga lugar na masasakop ng unang yugto ng kanilang geo-scientific activity tulad ng geological at geophysical na imbestigasyon at pagkuha ng mga manggagawa mula sa siyam na mga barangay na nabanggit.

Inaasahan din ang pagdalo sa gagawing IEC ni Sorsogon Gov. Raul R. Lee at kinatawan ng mga ahensya ng pamahalaan at ibang organisasyon tulad ng Community at Provincial Environment and Natural Resources Office, Police Provincial Office, Geosphere, Phil. Information Agency, Phivolcs, Phil. Army at Protected Areas, Wildlife and Coastal Zone Management Service ng Department of Environment and Natural Resources. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment