Wednesday, November 9, 2011

Katubigan ng Sorsogon ligtas pa rin sa red tide; clay epektibo sa pagsugpo sa red tide


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Nobyembre 9 (PIA) – Buhay pa rin ang industriya ng shellfish sa Sorsogon at patuloy pa ring makakakain ng masasarap na shellfish ang mga Sorsoganon matapos na ihayag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nananatiling ligtas sa Paralytic Shellfish Poisoning (PSP) sanhi ng red tide ang katubigan sa buong lalawigan.

Sa pinakahuling Shellfish Bulletin No. 23 na may petsang Nobyembre 2, 2011, sinasabi ditong nananatiling negatibo sa red tide toxin ang Juag Lagoon sa bayan ng Matnog at look ng Sorsogon dito sa lungsod ng Sorsogon. Sa kasalukuyan ay apat na mga lugar na lamang sa bansa ang tinututukan ng BFAR na positibo pa rin sa red tide. Ito ay ang Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur, Murcielagos Bay sa Zamboanga del Norte at Misamis OccidentalMasinloc Bay sa Zambales at Matarinao Bay sa eastern Samar.

Samantala, natuklasan ng Department of Science and Technology – Philippine Council for Aquatic and Marine Research and Development (DoST-PCAMRD) at ng Univerity of the Philippines – Marine Science Institute (UP-MSI) na isang bolang gawa sa natural na clay o luwad ang isa sa mga epektibong pangsugpo sa Harmful Algal Bloom (HAB) o pagdami ng red tide toxin.

Ipinaliwanang ni Dr. Rhodora V. Azansa, program leader ng PhilHABS at co-project leader ng clay ball technology na ang isang bolang gawa sa clay ay may kakayahang pagsama-samahin ang mga organismo ng red tide na nasa ibabaw ng tubig at panatilihin sila sa ilalim kung saan doon mamamatay ang mga organism sa oras na dumikit ito sa clay ball.

Sinabi din ni Azansa na una na nilang ginawa ito sa Masinloc Bay sa Zambales at napatunayan nilang epektibo ito at walang anumang negatibong epekto sa mga yamang tubig tulad ng tahong at bangus.

Sa unang yugto ng ginawa nilang proyekto, gumamit ang mga mananaliksik ng isangdaang kilo ng luwad na lupa mula sa lalawigan ng Camarines para gamitin sa Zambales at Pangasinan at napatunayan nilang epektibo ito.

Naniniwala din umano silang ang mga luwad na lupa mula mismo sa mga lugar na mayroon ding red tide ay maaari ding magamit sa uri ng teknolohiyang ito. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment