Monday, November 28, 2011

Mga mamamahayag sa Sorsogon sasailalim sa isang seminar ukol sa TB Prevention


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Nobyembre 28, 2011 – Nakatakdang sumailalim sa dalawang araw na pagsasanay ang dalawampu’t isang mga mamamahayag sa Sorsogon upang mas maintindihan ng mga ito ang mga mahahalagang impormasyon at konsepto ukol sa sakit na tuberculosis (TB).

Pinamagatang “Accelerate the Media’s Role in Helping Reduce TB Stigma”, gagawin ang naturang seminar sa Hotel Venezia, Lungsod ng Legazpi, simula bukas, Nobyembre 29 hanggang sa Miyerkules, Nobyembre 30 sa pangunguna ng World Vision Sorsogon.

Ayon kay Leo Legazpi, Community Development Officer ng World Vision – Social Mobilization on Tuberculosis Project (WV-SMTP) Sorsogon City nais umano nilang matalakay sa mga lalahok ang tinatawag na investigative reporting na mahalagang paraaan sa mas malalim na pag-unawa ukol sa mga dahilan sa pagkakaroon ng TB, epekto nito sa isang indibidwal at komunidad at kung paano itong magagamot.

Sinabi pa ni Legazpi na inaasahang bago matapos ang training-seminar ay makagagawa ang mga kalahok ng mga investigative article at investigative report ukol sa tuberculosis.

Matatandaang pangunahing kampanya ng World Vision dito sa lungsod ng Sorsogon ang mapaigting ang kampanya laban sa sakit na tuberculosis.

Ayon kay Legazpi, sa kabila ng patuloy na mga pinaigting na kampanya sa TB, nananatili pa ring negatibo ang tingin ng komunidad sa mga taong nagkakaroon ng TB na nagiging hadlang upang matukoy at tuluyang magamot ang may mga may sakit nito.

Naniniwala si Legazpi na sa pamamagitan ng pagsasanay sa mga kasapi ng media ay higit pang mapalaganap ang tamang impormasyon at tamang paraan ng pagbabalita ukol sa sakit na TB.

Umaasa din silang sa pamamagitan nito ay mahihikayat ang iba pang mga Sorsoganong may sakit na TB na i-report ang kanilang mga karamdaman sa mga kinauukulan at maintindihan ang mga mahahalagang konseptong kailangan para sa tuluyan nilang paggaling. (PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment